1 Corinto 16
Ang Salita ng Diyos
Ang Paglilikom Para sa mga Anak ng Diyos
16 Patungkol naman sa nalilikom na para sa mga banal, gawin ninyo ang tulad sa ibinilin ko sa mga taga-Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa sa inyo ay maglagak ayon sa naging pagpapala niya. Ito ay upang sa pagdating ko ay wala nang paglilikom na gagawin. 3 Kapag dumating ako, sinuman ang inyong payagan sa pamamagitan ng sulat ay aking isusugo saJerusalem upang dalhin ang inyong tulong. 4 Kung nararapat din akong pumunta, kasama nila akong pupunta.
Sariling Kahilingan
5 Pupunta ako sa inyo kapag nakadaan na ako sa Macedonia sapagkat sa Macedonia ako dadaan.
6 Maaaring tumigil ako sa inyo o maging hanggang sa taglamig upang matulungan ninyo ako saan man ako pumaroon. 7 Ito ay sapagkat hindi ko ibig na makita ko kayo ngayon sa aking pagdaan, ngunit umaasa akong makapanatili ng ilang panahon kasama ninyo, kung pahihintulutan ng Panginoon. 8 Ngunit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa Pentecostes. 9 Ito ay sapagkat isang malaki at mabisang daan ang binuksan sa akin doon at marami ang humahadlang.
10 Kapag dumating diyan si Timoteo, tiyakin ninyo na makakasama ninyo siya ng walang pagkatakot sapagkat gawain ng Panginoon ang kaniyang ginagawa, tulad ng ginagawa ko. 11 Kaya nga, huwag ninyo siyang hayaang hamakin ng sinuman, sa halip, tulungan ninyo siyang makahayo nang mapayapa upang makarating siya sa akin sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Patungkol kay kapatid na Apollos, lubos kong ipinamanhik sa kaniya na pumunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Hindi niya kaloobang pumunta sa panahong ito ngunit pupunta siya sa inyo kapag may pagkakataon siya.
13 Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, maging matapang kayo, magpakalakas kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang may pag-ibig.
15 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid. Kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na ito ang unang bunga ng Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal. 16 Ipinamamanhik ko na magpasakop din kayo sa kanila at sa bawat isang gumagawa at nagpapagal na kasama namin. 17 Ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico dahil ang inyong kakulangan ay pinunan nila. 18 Ito ay sapagkat napagpanibagong-sigla nila ang aking espiritu, at ang inyong espiritu kaya kilalanin nga ninyo sila.
Panghuling Pagbati
19 Binabati kayo ng iglesiya sa Asya. Lubos kayong binabati nina Aquila at Priscilla kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan.
20 Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik.
21 Ito ang pagbati ko, akong si Pablo, sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesucristo, sumpain siya. Maranatha![a]
23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.
24 Sumainyo ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Siya nawa!
Footnotes
- 1 Corinto 16:22 Maranatha, sa salitang Chaldea, ito ay nangangahulugang: Ang ating Panginoon ay dumating
Copyright © 1998 by Bibles International