1 Corinto 14
Ang Salita ng Diyos
Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika
14 Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag.
2 Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. 3 Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. 4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. 5 Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapaghahayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.
6 At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. 7 Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? 8 Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? 9 Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10 Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11 Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12 Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.
13 Kaya nga, ang nagsasalita sa ibang wika ay manalangin namaipaliwanag niya ang sinasabi niya. 14 Ito ay sapagkat kung ako ay nananalangin sa ibang wika, ang espiritu ko ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu at mananalangin din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. Magpupuri ako sa espiritu at magpupuri din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. 16 Kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, sa iyong pagbibigay ng pasasalamat, paano makakapagsabi ng siya nawa ang taong hindi naturuan. Ang sinasabi mo ay hindi niya nalalaman. 17 Ito ay sapagkat makakapagpasalamat ka nga ng mabuti ngunit ang iba ay hindi nagiging matibay.
18 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos na ako ay nakapagsasalita ng ibang wika nang higit sa inyong lahat. 19 Subalit iibigin ko pang magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko kaysa sampung libong salita sa ibang wika. Ito ay upang makapagturo ako sa iba.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip. Subalit maging mga sanggol kayo sa masamang hangarin, ngunit sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na. 21 Nakasulat sa kautusan:
Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibang mga wika at magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga. Kahit na maging gayonhindi nila ako pakikinggan.
Mga Wika Bilang Tanda
22 Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasampalataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya.
23 Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba’t ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24 Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25 At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.
Maayos na Pananambahan
26 Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapaliwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay.
27 Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28 Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.
29 Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30 Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31 Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33 Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.
34 Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi silapinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35 Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.
36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37 Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38 Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.
39 Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40 Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.
Copyright © 1998 by Bibles International