1 Corinto 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako sa ibaʼt ibang wika ng mga tao at ng mga anghel, ngunit wala naman akong pag-ibig, para lang akong batingaw na umaalingawngaw o pompyang na tumatagingting. 2 Kung may kakayahan man akong maghayag ng mensahe ng Dios, at may pang-unawa sa lahat ng lihim na katotohanan at lahat ng kaalaman, at kung mailipat ko man ang mga bundok sa laki ng aking pananampalataya, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kahit ipamigay ko man ang lahat ng aking ari-arian at ialay pati aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, wala pa rin akong mapapala.
4 Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi marunong mainggit, hindi hambog o mapagmataas, 5 hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa, 6 hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan, 7 matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at tinitiis ang lahat.
8 May katapusan ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios at ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, ganoon din ang pagpapahayag ng kaalaman tungkol sa Dios, ngunit ang pag-ibig ay walang hangganan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman, ganoon din ang pagpapahayag natin ng mensahe ng Dios. 10 Ngunit pagdating ng araw na magiging ganap ang lahat, mawawala na ang anumang hindi ganap.
11 Noong bata pa ako, ang aking pagsasalita, pag-iisip at pangangatwiran ay tulad ng sa bata. Ngunit ngayong akoʼy mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga ugaling bata. 12 Sa ngayon, para tayong nakatingin sa malabong salamin. Ngunit darating ang araw na magiging malinaw ang lahat sa atin. Bahagya lamang ang ating nalalaman sa ngayon; ngunit darating ang araw na malalaman natin ang lahat, tulad ng pagkakaalam ng Dios sa atin.
13 Tatlong bagay ang nananatili: ang pagtitiwala, pag-asa, at pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®