Add parallel Print Page Options

Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Ang Wastong Pamumuhay

Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.

Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.

Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10 ni kupitan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 14 na naghandog(B) ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.

15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Footnotes

  1. 1 lingkod: Sa Griego ay alipin .
  2. 7 tagapangasiwa: o kaya'y obispo .