Add parallel Print Page Options

Ang mga Selyo

At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa mga selyo. At narinig ko ang isa sa mga apat na buhay na nilalang na nagsasabi sa isang malakas na tinig na katulad ng kulog: Halika at tingnan mo.

At nakita ko at narito, ang isang puting kabayo. At ang nakaupo rito ay may isang pana. Binigyan siya ng isang putong. Humayo siya na nanlulupig at upang manlupig.

Nang buksan ng Kordero ang ikalawang selyo, narinig ko ang ikalawang buhay na nilalang na nagsasabi: Sinabi niya: Halika at tingnan mo. At isa pang kabayo ang lumabas, ito ay pula. At ibinigay sa kaniya na nakaupo dito na pawiin ang kapayapaan sa lupa upang magpatayan sa isa’t isa ang mga tao at binigyan siya ng isang malaking tabak.

Nang buksan ng Kordero ang ikatlong selyo, narinig ko ang ikatlong buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. At nakita ko, narito, ang isang itim na kabayo. Ang nakaupo rito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig sa kalagitnaan ng apat na buhay na nilalang na nagsasabi: Gawin mo na ang halaga ng isang takal ng trigo ay isang denaryo at ang tatlong takal na sebada na isang denaryo. Huwag mong pinsalain ang langis at alak.

At nang binuksan niya ang ikaapat na selyo, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. Nakita ko ang isang kabayong maputla. Ang pangalan ng nakaupo roon ay Kamatayan. At sumunod ang hades sa kaniya. Binigyan sila ng kapama­halaan na patayin ang higit sa ikaapat na bahagi ng lupa, ng tabak at ng gutom at ng kamatayan at sa pamamagitan ng mabangis na hayop ng lupa.

Read full chapter