Add parallel Print Page Options

Ngunit(A) mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain.

Lumipas(B) ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. 10 Kailangang(C) gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa[a] ating lupain.” 11 Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. 12 Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. 13 Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang 14 pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid.

15 Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: 16 “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” 17 Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. 18 Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?”

19 “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. 20 Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. 21 Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. 22 Iniutos(D) naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.

Ang Pagliligtas kay Moises

May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi na(E) nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.

Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.”

Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.”

“Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. 10 Nang(F) malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises[b] ang ipapangalan ko sa kanya.”

Footnotes

  1. Exodo 1:10 tumakas sa: o kaya'y sakupin ang .
  2. Exodo 2:10 MOISES: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Moises” at “Iniahon” ay magkasintunog.