Mga Gawa 3:1-10
Magandang Balita Biblia
Pinagaling ang Isang Lumpo
3 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. 3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. 4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” 5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; 8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.