Add parallel Print Page Options

Ang mga Israelita sa Bundok ng Sinai

19 Ang mga Israelita'y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos.

Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. Kung(A) (B) susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. Kayo'y(C) gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”

At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit 11 at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. 12 Lagyan(D) mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin 13 sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.”

14 Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. 15 Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.”

16 Kinaumagahan(E) (F) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. 21 Sinabi niya, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay. 22 Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili; kung hindi'y paparusahan ko sila.”

23 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal ang nakapaloob doon.”

24 Sinabi ni Yahweh, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko.” 25 Bumabâ nga si Moises at sinabi ito sa mga tao.

Ang Sampung Utos(G)

20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“Huwag(H) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(I) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

“Huwag(J) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.

“Lagi(K) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim(L) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim(M) na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.

12 “Igalang(N) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

13 “Huwag(O) kang papatay.

14 “Huwag(P) kang mangangalunya.

15 “Huwag(Q) kang magnanakaw.

16 “Huwag(R) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

17 “Huwag(S) (T) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

Natakot ang mga Israelita(U)

18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”

20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.

Ang mga Utos tungkol sa mga Altar

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. 24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. 25 Kung(V) gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. 26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”

Ang Batas sa mga Alipin(W)

21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. Kapag(X) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.

“Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.

Mga Batas tungkol sa mga Karahasan

12 “Sinumang(Y) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(Z) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.

15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

16 “Sinumang(AA) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.

17 “Sinumang(AB) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.

20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.

22 “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. 23 Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, 24 mata(AC) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, 25 sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.

26 “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. 27 Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.

Ang Pananagutan ng May-ari

28 “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. 29 Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. 30 Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. 31 Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. 32 Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay.

33 “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, 34 ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. 35 Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. 36 Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na.

Batas tungkol sa Ninakaw

22 “Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa. 2-4 Kailangan siyang magbayad. Kung walang ibabayad, siya ang ipagbibili at ang pinagbilhan ang ibabayad sa kanyang ninakaw. Kung ang ninakaw naman ay makita sa kanya at buháy pa, doble lamang ang ibabayad niya.

“Kapag ang magnanakaw ay pumasok nang gabi at siya ay napatay ng may-ari ng bahay, walang pananagutan ang nakapatay. Kung ang pagkapatay ay naganap pagkasikat ng araw, mananagot ang nakapatay.

“Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin.

“Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga.

“Kapag ang salapi o anumang ari-arian ng isang tao'y ipinagkatiwala sa kanyang kapwa at ang mga ito'y nawala sa bahay, pagbabayarin nang doble ang kumuha kapag ito'y mahuli. Kung hindi naman mahuli ang nagnakaw, ang pinagkatiwalaan ay panunumpain sa harapan ng Diyos[a] para patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng inihabilin sa kanya.

“Anumang usapin tungkol sa pang-aangkin ng nawawalang asno, baka, tupa, damit o anumang bagay, ay dadalhin sa harapan ng Diyos.[b] Ang mapatunayang nang-aangkin lamang ay magbabayad nang doble sa tunay na may-ari.

10 “Kung mamatay, mapinsala o inagaw ang isang asno, baka, tupa o anumang hayop na paalaga ngunit walang nakakita sa pangyayari, 11 ang nag-aalaga ay manunumpa sa harapan ni Yahweh upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pangyayari. Ito'y dapat paniwalaan ng may-ari at wala nang pananagutan ang tagapag-alaga. 12 Ngunit kung ninakaw ang hayop, magbabayad ang tagapag-alaga. 13 Kung ang hayop naman ay pinatay ng isang hayop na mabangis, ipapakita ng tagapag-alaga ang bahaging natira at wala siyang pananagutan.

14 “Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram. 15 Ngunit kung naroon ang may-ari, hindi ito babayaran, lalo na kung inupahan; ang upa ang magiging kabayaran.

Tuntunin tungkol sa Pananampalataya at Kabutihang-asal

16 “Kapag(AD) ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay inakit at sinipingan ng isang lalaki, siya ay pakakasalan ng lalaking iyon at bibigyan ng kaukulang dote. 17 Kung hindi pumayag ang ama na ipakasal ang babae, ibibigay na lang sa ama ang halagang katumbas ng dote.

18 “Ang(AE) mga mangkukulam ay dapat patayin.

19 “Sinumang(AF) makipagtalik sa hayop ay dapat patayin.

20 “Sinumang(AG) maghandog sa diyus-diyosan ay dapat patayin sapagkat kay Yahweh lamang dapat maghandog.

21 “Huwag(AH) ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto. 22 Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila. 23 Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila. 24 Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

25 “Kapag(AI) nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo. 26 Kapag(AJ) may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw 27 sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako'y mahabagin.

28 “Huwag(AK) ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan.

29 “Huwag ninyong kalilimutang maghandog ng inaning butil, alak na mula sa katas ng ubas at langis sa takdang panahon.

“Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki. 30 Ihahandog din ninyo sa akin ang panganay ng inyong mga baka at tupa. Huwag ihihiwalay sa ina ang panganay nitong lalaki hanggang sa ikapitong araw mula sa kapanganakan; sa ikawalong araw, ihahandog siya sa akin.

31 “Kayo'y(AL) aking bayang pinili. Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso.

Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan

23 “Huwag(AM) kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. Ngunit(AN) huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.

“Kung(AO) makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.

“Huwag(AP) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.

“Huwag(AQ) ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.

Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw

10 “Anim(AR) (AS) na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.

12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.

13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.

Ang Tatlong Pangunahing Pista

14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(AT) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.

16 “Ipagdiriwang(AU) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.

“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.

18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.

19 “Dadalhin(AV) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.

Mga Pangako at mga Tagubilin

20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.

27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway[c] at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula[d] hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”

Pinagtibay ang Kasunduan

24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”

Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”

Pagkatapos,(AW) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”

Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.

Si Moises sa Bundok ng Sinai

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”

15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(AX) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.

Mga Handog para sa Santuwaryo(AY)

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.

Ang Kaban ng Tipan(AZ)

10 “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11 Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12 Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13 Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14 at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15 Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16 Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.

17 “Gumawa(BA) ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18 Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19 tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20 Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21 Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22 Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(BB)

23 “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25 Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26 Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29 Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30 Ang(BC) mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.

Ang Lalagyan ng Ilaw(BD)

31 “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32 Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33 Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34 Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35 Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36 Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37 Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38 Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39 Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40 Sundin(BE) mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Ang Tabernakulo ng Diyos(BF)

26 “Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad. Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima. Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul. Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso. Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso.

“Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda. 10 Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid. 11 Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang. 12 Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip. 13 Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid. 14 Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.

15 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya; 16 bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 17 Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong. 18 Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo 19 at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi. 20 Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga 21 at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi. 22 Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo 23 at dalawa para sa mga sulok. 24 Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas. 25 Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.

26 “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi, 27 lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran. 28 Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding. 29 Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. 30 Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

31 “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin. 32 Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak. 33 Isabit(BG) mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan. 34 Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan. 35 Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw.

36 “Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda. 37 Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso.

Ang Altar(BH)

27 “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Ang Bulwagan ng Tabernakulo(BI)

“Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. 11 Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. 13 Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. 14 Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. 16 Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. 17 Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. 18 Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. 19 Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso.

Ang Pangangalaga sa Ilawan(BJ)

20 “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. 21 Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi.

Ang Kasuotan ng mga Pari(BK)

28 “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.

Ang Efod

“Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.

“Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, 10 tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. 11 Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. 12 Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.

13 “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, 14 at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.

Ang Pektoral(BL)

15 “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. 16 Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 17 Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. 18 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 19 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 20 At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. 21 Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 22 Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. 23 Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, 24 at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. 25 Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. 26 Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. 27 Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. 28 Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.

29 “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30 Ilalagay(BM) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.

Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(BN)

31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(BO) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

39 “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.

40 “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. 41 Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 42 Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. 43 Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.

Hinirang sa Pagkapari sina Aaron(BP)

29 “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.

“Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.

10 “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. 11 Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. 13 Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. 14 Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

15 “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 16 Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. 17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. 18 Sunugin(BQ) mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.

19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.

22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. 23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. 24 Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. 25 Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

26 “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.

27 “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. 28 Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.

29 “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. 30 Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.

31 “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. 32 Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. 34 Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.

35 “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. 36 Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. 37 Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado.

Ang Paghahandog Araw-araw(BR)

38 “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, 39 isa sa umaga, isa sa hapon. 40 Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. 42 Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.

Ang Altar na Sunugan ng Insenso(BS)

30 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”

Ang Buwis para sa Templo

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. 13 Lahat(BT) ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. 14 Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. 15 Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. 16 Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.”

Ang Palangganang Hugasan

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 18 “Gumawa(BU) ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. 20 Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. 21 Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.”

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso

22 Sinabi(BV) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.

30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”

Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(BW)

31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[e] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”

Ang Araw ng Pamamahinga

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(BX) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(BY) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”

18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.

Ang Guyang Ginto(BZ)

32 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”

“Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. Ganoon nga ang kanilang ginawa. Kinuha(CA) (CB) ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.

Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”

Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” Kinabukasan,(CC) maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”

11 Nagmakaawa(CD) si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin(CE) ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.

15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. 16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.

17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”

18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.

19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. 20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”

22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. 23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. 24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”

25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. 26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. 27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” 28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. 29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”

30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” 31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. 32 Ipinapakiusap(CF) ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”

33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”

35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.

Nagpatuloy ng Paglalakbay ang Israel

33 Sinabi(CG) (CH) ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. 2-3 Ang pupuntahan ninyo'y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.”

Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” Kaya't mula sa Bundok ng Sinai,[f] hindi na sila nagsuot ng alahas.

Ang Toldang Tipanan

Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. 10 Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. 11 Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.

Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan

12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”

14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.

15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”

17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.

18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”

19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.

Ang Pangalawang Tapyas na Bato(CI)

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.

Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.

Si(CJ) Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”

Inulit ang Tipan(CK)

10 Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila. 11 Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo. 12 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo. 13 Sa(CL) halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado.

14 “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito. 16 Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan.

17 “Huwag(CM) kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito.

18 “Ipagdiwang(CN) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto.

19 “Akin(CO) ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop. 20 Ang(CP) panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog.

21 “Anim(CQ) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani.

22 “Ipagdiriwang(CR) ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon.

23 “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel. 24 Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin.

25 “Huwag(CS) ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa.

26 “Dadalhin(CT) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga pinakamainam na unang ani ng inyong bukirin.

“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.”

27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.

Bumabâ sa Bundok si Moises

29 Mula(CU) sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. 30 Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. 32 Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 33 Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh,

Footnotes

  1. Exodo 22:8 ng Diyos: o kaya'y ng mga hukom .
  2. Exodo 22:9 ng Diyos: o kaya'y ng mga hukom .
  3. Exodo 23:28 guguluhin ko ang inyong mga kaaway: o kaya'y susuguin ko ang mga putakti .
  4. Exodo 23:31 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
  5. Exodo 31:3 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  6. Exodo 33:6 Bundok ng Sinai: o kaya'y Bundok ng Horeb .