Add parallel Print Page Options

22 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ganito mo sasabihin sa mga anak ni Israel: Kayo ang nakakita na ako'y nakipagusap sa inyo mula sa langit.

23 Huwag kayong gagawa ng ibang mga dios na iaagapay sa akin; ng mga dios na pilak, o ng mga dios na ginto, huwag kayong gagawa para sa inyo.

24 Isang dambanang lupa ang inyong gagawin sa akin, at inyong ihahain doon ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan, ang inyong mga tupa, at ang inyong mga baka sa lahat ng dakong aking ipaaalaala ang aking pangalan, ay paparoonan kita at pagpapalain kita.

25 At kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato, ay huwag mong itatayong may tapyas: sapagka't kung iyong gamitin ang iyong patalim doon, ay iyong nilapastangan yaon.

26 Ni huwag kang sasampa sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang inyong kahubaran ay huwag malitaw sa ibabaw niyaon.

21 Ito nga ang mga hatol na igagawad mo sa harap nila.

Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad.

Kung siya'y pumasok na magisa, ay aalis na mag-isa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya.

Kung siya'y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya'y aalis na magisa.

Datapuwa't kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako'y hindi aalis na laya:

Kung magkagayo'y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man.

At kung ipagbili ng isang lalake ang kaniyang anak na babae na maging alipin, ay hindi siya aalis na gaya ng pagalis ng mga aliping lalake.

Kung siya'y hindi makapagpalugod sa kaniyang panginoon, na umayaw magasawa sa kaniya, ay ipatutubos nga niya siya: walang kapangyarihang ipagbili siya sa isang taga ibang lupa, yamang siya'y nadaya.

At kung pinapag-asawa ng bumili sa kaniyang anak na lalake, ay kaniyang ipalalagay siya ng ayon sa kaugalian sa mga anak na babae.

10 Kung siya'y magasawa sa iba, ang kaniyang pagkain, ang kaniyang damit at ang kaniyang kapangyarihang pagkaasawa ay hindi niya babawasan.

11 At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi.

12 Ang sumakit sa isang tao, na ano pa't mamatay ay papataying walang pagsala.

13 At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan.

14 At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin.

15 At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.

16 At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala.

17 At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.

18 At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig:

19 Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi.

20 At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala.

21 Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi.

22 At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't makunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.

23 Datapuwa't kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay,

24 Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa,

25 Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog.

26 At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata.

27 At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin.

28 At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa't mamatay, ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama'y hindi kakanin; datapuwa't ang may-ari ng baka ay maliligtas.

29 Datapuwa't kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa may-ari at hindi niya kinulong, na ano pa't makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin.

30 Kung siya'y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya.

31 Maging manuwag sa isang anak na lalake o babae man, ay gagawin sa kaniya ayon sa kahatulang ito.

32 Kung ang baka ay manuwag sa isang aliping lalake o babae, ay magbabayad ang may-ari ng tatlong pung siklong pilak sa kanilang panginoon, at ang baka ay babatuhin.

33 At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob,

34 Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya.

35 At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa't mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila.

36 O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili.

22 Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa.

Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa't namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay.

Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya'y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya'y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw.

Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo.

Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya.

Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy.

Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo.

Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa.

Sapagka't lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa.

10 Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman:

11 Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya'y hindi magsasauli.

12 Datapuwa't kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon.

13 Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa.

14 At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya'y magsasauli.

15 Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan.

16 At kung dayain ng isang lalake ang isang dalaga, na hindi pa niya nagiging asawa at kaniyang sipingan, ay tunay na kaniyang ipagbabayad ng bigay-kaya upang maging asawa niya.

17 Kung itangging mainam ng kaniyang ama na ibigay sa kaniya, ay magbabayad siya ng salapi, ayon sa bigay-kaya sa mga dalaga.

18 Huwag mong babatahing mabuhay ang isang babaing manggagaway.

19 Sinomang makiapid sa isang hayop ay papataying walang pagsala.

20 Yaong maghain sa anomang dios, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na papatayin.

21 At ang taga ibang lupa ay huwag mong aapihin, o pipighatiin man; sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto.

22 Huwag mong papagdadalamhatiin ang sinomang babaing bao, o ulila.

23 Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan, at sila'y dumaing sa akin, ay walang pagsala, na aking didinggin ang kanilang daing;

24 At ang aking pagiinit ay magaalab, at aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga bao, at ang inyong mga anak ay mga ulila.

25 Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kaniya ni hihingan mo man siya ng tubo.

26 Kung iyong tanggapin sa anoman ang damit ng iyong kapuwa na pinakasangla, ay iyong isasauli sa kaniya bago lumubog ang araw;

27 Sapagka't iyan ang kaniya lamang pangbihis, siyang kaniyang pangdamit sa kaniyang balat: ano ngang kaniyang ipangtutulog? at mangyayari, na pagka siya'y dumaing sa akin, ay aking didinggin; sapagka't ako'y mapagbiyaya.

28 Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni susumpain man ang pinuno sa iyong bayan.

29 Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani, at ng tulo ng iyong mga pigaan. Ang panganay sa iyong mga anak na lalake ay ibibigay mo sa akin.

30 Gayon din ang gagawin mo sa iyong mga baka, at sa iyong mga tupa: pitong araw na mapapa sa kaniyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo sa akin.

31 At kayo'y magpapakabanal na tao sa akin: na ano pa't huwag kayong kakain ng anomang laman, na nalapa ng ganid sa parang; inyong ihahagis sa mga asno.

23 Huwag kang magkakalat ng kasinungalingan: huwag kang makikipagkayari sa masama, na maging saksi kang sinungaling.

Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama; ni magbibigay patotoo man sa isang usap, na ang kiling ay sa karamihan upang sirain ang kahatulan:

Ni huwag mo ring kikilingan ang dukha sa kaniyang usap.

Kung iyong masumpungan ang baka ng iyong kaalit o ang kaniyang asno, na nakawala, ay tunay na ibabalik mo sa kaniya.

Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo, na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, at ayaw mo mang alisan ng pasan, ay walang pagsalang iyong tutulungan pati ng may-ari niyaon.

Huwag mong sisirain ang kahatulan ng iyong dukha, sa kaniyang usap.

Layuan mo ang bagay na kasinungalingan, at ang walang sala at ang matuwid, ay huwag mong papatayin: sapagka't hindi ko patototohanan ang masama.

At huwag kang tatanggap ng suhol: sapagka't ang suhol ay bumubulag sa mga may paningin, at sinisira ang mga salita ng mga banal.

At ang taga ibang lupa ay huwag mong pipighatiin sapagka't talastas ninyo ang puso ng taga ibang lupa, yamang kayo'y naging mga taga ibang lupa, sa lupain ng Egipto.

10 Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyaon:

11 Datapuwa't sa ikapitong taon ay iyong iiwan at babayaan, upang kumain ang dukha sa iyong bayan: at ang kanilang iwan ay kakanin ng hayop sa bukid. Gayon din ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong olibohan.

12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga.

13 At lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo ay inyong ingatan: at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang dios, o marinig man sa inyong bibig.

14 Makaitlong magdidiwang ka ng pista sa akin, sa bawa't taon.

15 Ang pista ng tinapay na walang lebadura ay iyong ipagdidiwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib (sapagka't niyaon ka umalis sa Egipto); at walang lalapit sa harap ko na walang dala:

16 At ang pista ng pagaani ng mga unang bunga ng iyong kapagalan, na iyong inihasik sa bukid: at ang pista ng pagaani, sa katapusan ng taon, nang pagaani mo ng iyong kapagalan sa bukid.

17 Makaitlo sa bawa't taon na ang lahat na iyong mga lalake ay haharap sa Panginoong Dios.

18 Huwag mong ihahandog ang dugo ng hain sa akin, na kasabay ng tinapay na may lebadura; o iiwan mo man ang taba ng aking pista sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan.

19 Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong ipapasok sa bahay ng Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.

20 Narito, aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda sa iyo.

21 Magingat kayo sa kaniya, at dinggin ninyo ang kaniyang tinig; huwag ninyong mungkahiin siya: sapagka't hindi niya patatawarin ang inyong pagsalangsang; sapagka't ang aking pangalan ay nasa kaniya.

22 Datapuwa't kung didinggin mong lubos ang kaniyang tinig, at gagawin mo ang lahat ng aking sinasalita; ay magiging kaaway nga ako ng iyong mga kaaway, kaalit ng iyong mga kaalit.

23 Sapagka't ang aking anghel ay magpapauna sa iyo at dadalhin ka sa Amorrheo, at sa Hetheo at sa Perezeo, at sa Cananeo, at sa Heveo, at sa Jebuseo, at aking lilipulin.

24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga dios, o maglilingkod man sa mga yaon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong iwawaksi at iyong pagpuputulputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala.

25 At inyong paglilingkuran ang Panginoon ninyong Dios, at kaniyang babasbasan ang iyong tinapay at ang iyong tubig; at aking aalisin ang sakit sa gitna mo.

26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man, sa iyong lupain: ang bilang ng iyong mga araw ay aking lulubusin.

27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at aking liligaligin ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.

28 At aking susuguin ang mga putakti sa unahan mo, na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo at sa Hetheo, sa harap mo.

29 Hindi ko palalayasin sila sa harap mo sa isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mga ganid sa parang ay magsidami laban sa iyo.

30 Untiunting aking palalayasin sila sa harap mo, hanggang sa ikaw ay kumapal at manahin mo ang lupain.

31 At aking itatatag ang iyong hangganan na mula sa Dagat na Mapula hanggang sa dagat ng Filistia at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Eufrates: sapagka't aking ibibigay ang mga nananahan sa lupain sa iyong kamay, at iyo silang palalayasin sa harap mo.

32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga dios.

33 Sila'y hindi tatahan sa iyong lupain, baka papagkasalahin ka nila laban sa akin: sapagka't kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga dios, ay tunay na magiging silo sa iyo.