Add parallel Print Page Options

41 Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”

42 Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43 Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44 Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45 at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”

28 Kaya ipinatawag ni Isaac si Jacob. Pagdating niya, binasbasan niya ito at inutusan, “Huwag kang mag-aasawa ng taga-Canaan. Maghanda ka at pumunta sa Padan Aram,[a] doon sa lolo mong si Betuel na ama ng iyong ina. Doon ka pumili ng iyong mapapangasawa sa isa sa mga dalagang anak ni Laban na kapatid ng iyong ina. Nawaʼy pagpalain ka ng Makapangyarihang Dios at bigyan ka ng maraming anak para maging ama ka ng maraming grupo ng tao. Nawaʼy ibigay din sa iyo at sa mga lahi mo ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham, para maging iyo ang lupaing ito na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ang lupaing ito ay ibinigay nga ng Dios kay Abraham.” Agad na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan Aram, sa lugar ni Laban na anak ni Betuel na Arameo. Si Laban ay kapatid ni Rebeka na ina nina Jacob at Esau.

Footnotes

  1. 28:2 Padan Aram: Isang lugar sa Mesopotamia.