Mateo 22:2-14
Ang Biblia (1978)
2 Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng (A)piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,
3 At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo.
4 Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.
5 Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal;
6 At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay.
7 Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.
8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi (B)karapatdapat ang mga inanyayahan.
9 Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.
10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, (C)masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na (D)hindi nararamtan ng damit-kasalan:
12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.
13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; (E)diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
14 Sapagka't (F)marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.
Read full chapter
Lucas 14:16-24
Ang Biblia (1978)
16 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; (A)at marami siyang inanyayahan:
17 At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.
18 At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
19 At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
20 At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon.
21 At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay.
22 At sinabi ng alipin, Panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma'y maluwag pa.
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay.
24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan.
Read full chapterAng Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978