Add parallel Print Page Options

13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari.

Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec

15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. 17 Sapagkat(A) ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” 18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit(B) nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,

“Ang Panginoon ay sumumpa,
    at hindi siya magbabago ng isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”

22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi(C) siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman.

Read full chapter