Mga Gawa 17:1-20:6
Ang Biblia, 2001
Sa Tesalonica
17 Nang makaraan na sina Pablo at Silas[a] sa Amfipolis at sa Apolonia ay nakarating sila sa Tesalonica, kung saan ay may isang sinagoga ng mga Judio.
2 At si Pablo ay pumasok ayon sa kanyang kaugalian, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nangatuwiran sa kanila mula sa mga kasulatan,
3 na ipinapaliwanag at pinatutunayan na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay; at sinasabi, “Itong Jesus na aking ipinangangaral sa inyo ay siyang Cristo.”
4 Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming mga Griyegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga pangunahing babae.
5 Subalit dahil sa inggit, ang mga Judio ay nagsama ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay ginulo nila ang lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason, sa kagustuhang maiharap sina Pablo at Silas[b] sa mga tao.
6 Nang sila'y hindi nila natagpuan, kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lunsod, na ipinagsisigawan, “Ang mga taong ito na nanggugulo[c] ay dumating din dito;
7 at tinanggap sila ni Jason. Lahat sila ay kumikilos laban sa mga utos ni Cesar, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus.”
8 Ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lunsod ay naligalig nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.
9 Nang sila'y makakuha ng piyansa mula kay Jason at sa iba pa, ay kanilang pinakawalan sila.
Sa Berea
10 Nang gabing iyon ay agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Nang dumating sila roon, pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio.
11 Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.
12 Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki.
13 Subalit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral din ni Pablo sa Berea, sila ay nagpunta rin doon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao.
14 At agad na isinugo ng mga kapatid si Pablo paalis hanggang sa dagat, ngunit nanatili roon sina Silas at Timoteo.
15 Si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang sina Silas at Timoteo ay sumama sa kanya sa lalong madaling panahon, siya'y kanila nang iniwan.
Sa Atenas
16 Samantalang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, siya ay labis na nanlumo nang makita niya na ang lunsod ay punô ng mga diyus-diyosan.
17 Kaya't sa sinagoga ay nakipagtalo siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa pamilihan sa araw-araw sa mga nagkataong naroroon.
18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo rin sa kanya. At sinabi ng ilan, “Anong nais sabihin ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Parang siya'y isang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay.
19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo?
20 Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga; kaya't ibig naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.”
21 Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay.
22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay kayo'y lubhang relihiyoso.
23 Sapagkat sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakatagpo din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, ‘SA ISANG DI-KILALANG DIYOS.’ Kaya't ang sinasamba ninyo na hindi kilala ay siyang ipahahayag ko sa inyo.
24 Ang(A) Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao;
25 ni hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao, na para bang mayroon siyang kailangan, yamang siya ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga, at ng lahat ng bagay na ito.
26 Nilikha niya mula sa isa[d] ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan,
27 upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya'y mahagilap nila at siya'y matagpuan, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.
28 Sapagkat sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao; tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Sapagkat tayo rin ay kanyang supling.’
29 Yamang tayo'y supling ng Diyos, hindi marapat na ating isipin na ang pagka-Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inanyuan ng husay at kaisipan ng tao.
30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi,
31 sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay.”
32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay ng mga patay, ay nangutya ang ilan; ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.”
33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.
34 Subalit sumama sa kanya ang ilang mga tao at nanampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at ang isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Sa Corinto
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo[e] sa Atenas, at pumunta sa Corinto.
2 Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo[f] sa kanila;
3 at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.
4 At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.
5 Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.
6 Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”
7 Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.
8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;
10 sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”
11 At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
12 Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman.
13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan.”
14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio,
15 ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito.”
16 At sila'y pinaalis niya sa hukuman.
17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Ngunit(B) si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata.
19 Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio.
20 Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag,
21 kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, “Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglakbay buhat sa Efeso.
22 Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta[g] sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia.
23 Pagkatapos gumugol ng ilang panahon doon, umalis siya at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, na pinapalakas ang lahat ng mga alagad.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating noon sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Siya ay mahusay magsalita at dalubhasa sa mga kasulatan.
25 Ang taong ito'y tinuruan sa Daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maalab na espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay ang bautismo ni Juan.
26 At siya'y nagsimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga, ngunit nang siya'y marinig nina Priscila at Aquila ay kanilang isinama siya at ipinaliwanag sa kanya nang mas matuwid ang Daan ng Diyos.
27 Nang ibig niyang lumipat sa Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad na siya'y tanggapin. Nang siya'y dumating, kanyang lubos na tinulungan ang mga taong sa pamamagitan ng biyaya ay sumampalataya.
28 Sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig nang hayagan ang mga Judio, ipinapakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Cristo ay si Jesus.
Si Pablo sa Efeso
19 Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad.
2 At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?”
Sinabi nila, “Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo.”
3 Kaya't sinabi niya, “Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?”
Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”
4 Sinabi(C) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus.”
5 Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.
6 Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya.
7 Silang lahat ay may labindalawang lalaki.
8 Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.
9 Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno.[h]
10 At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.
Ang mga Anak ni Eskeva
11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,
12 kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.
13 Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”
14 Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.
15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.
17 Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.
19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.
20 Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Nagkagulo sa Efeso
21 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, “Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma.”
22 Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia.
23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan.
24 Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday.
25 Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, “Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang.
26 Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay.
27 At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.”
28 Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.
30 Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad.
31 Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan.
32 Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon.
33 Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan.
34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit?
36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos.
37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa.
38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa.
39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan.
40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang-katuwiran ang gulong ito.”
41 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan.
Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.
2 Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.
3 Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.
4 Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.
5 Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,
6 ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.
Footnotes
- Mga Gawa 17:1 Sa Griyego ay sila .
- Mga Gawa 17:5 Sa Griyego ay sila .
- Mga Gawa 17:6 Sa Griyego ay binabaligtad ang mundo .
- Mga Gawa 17:26 Sa ibang matandang kasulatan ay mula sa isang dugo .
- Mga Gawa 18:1 Sa Griyego ay siya .
- Mga Gawa 18:2 Sa Griyego ay siya .
- Mga Gawa 18:22 Sa Griyego ay umahon .
- Mga Gawa 19:9 Sa ibang mga kasulatan ay ng isang Tirrano, mula sa ikalabing-isa ng umaga hanggang ikaapat ng hapon .