Add parallel Print Page Options

22 Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. 23 Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. 24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. 27 Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. 29 Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”

30 Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. 31 Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.”

34 Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. 35 Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.”

Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.”

37 Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.”

38 Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” 39 Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. 40 Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. 41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik.

42 Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. 43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. 44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. 45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. 47 Nalaman ito ni Abimelec, 48 kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. 49 Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae.

50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. 51 May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. 52 Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, 53 ngunit(A) siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. 54 Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. 55 Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan.

56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. 57 Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.

Sina Tola at Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar ang nagligtas sa Israel sa pagkaalipin. Tumira siya sa Samir, sa kaburulan ng Efraim. Dalawampu't tatlong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir.

Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Gilead at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel nang dalawampu't dalawang taon. Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Gilead ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay Mga Nayon ni Jair. Namatay siya at inilibing sa Camon.

Ang mga Israelita'y Pinahirapan ng mga Ammonita

Ang mga Israelita'y muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh sapagkat sila'y sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyosan ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. At sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan. Sinalakay rin ng mga Ammonita ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Kaya't lubhang nahirapan ang Israel.

10 Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, “Nagkasala kami sa inyo, sapagkat tumalikod kami sa aming Diyos at sumamba sa mga Baal.”

11 Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, 12 Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. 13 Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. 14 Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!”

15 Kaya't sinabi ng mga Israelita kay Yahweh, “Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang nais ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.” 16 Nang araw ring iyon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyosan at muling naglingkod kay Yahweh. Kaya't nabagbag ang kalooban ni Yahweh dahil sa paghihirap ng Israel.

17 Dumating ang araw na naghanda sa pakikidigma ang mga Ammonita laban sa mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Gilead; sa Mizpa naman ang mga Israelita. 18 Nag-usap ang mga taga-Gilead at lahat ng tagaroon, “Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning pinuno ng buong Gilead.”

Si Jefta

11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong.

Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.”

Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?”

Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.”

Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.”

10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” 11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.

12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”

13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”

14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita 15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula[a] hanggang sa Kades. 17 Pagkatapos,(B) nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. 18 Nagpatuloy(C) sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. 19 At(D) nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. 20 Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. 21 Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: 22 buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. 23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. 24 At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. 25 Sa(E) palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. 26 Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? 27 Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” 28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.

Footnotes

  1. 16 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .