Add parallel Print Page Options

41 Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!”

42 May(A) nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. 43 Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. 44 Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; 45 malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Hirap na hirap na ang loob ko sa mga dayuhang asawa ni Esau. Kapag Hetea ring tulad nila ang napangasawa ni Jacob, mabuti pang mamatay na ako.”

28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob at matapos basbasan ay pinagbilinan, “Huwag kang mag-aasawa ng Cananea. Pumunta ka sa Mesopotamia, sa bayan ng iyong Lolo Bethuel. Doon ka pumili ng mapapangasawa sa mga pinsan mo, sa mga anak ng iyong Tiyo Laban. Sa iyong pag-aasawa, pagpalain ka ng Makapangyarihang Diyos, at nawa'y magkaroon ka ng maraming anak upang ikaw ay maging ama ng maraming bansa. Pagpalain(B) ka nawa niya, gayundin ang iyong lahi, tulad ng ginawa niya kay Abraham. Mapasaiyo nawa ang lupaing ito na iyong tinitirhan, ang lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.” Pinapunta nga ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia, sa kanyang Tiyo Laban na anak ni Bethuel na taga-Aram. Si Laban ay kapatid ni Rebeca na ina nina Jacob at Esau.