Zacarias 11-12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
2 Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
pagkat bumagsak na ang sedar,
ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
3 Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.
Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan
4 Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. 5 Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. 6 Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”
7 Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. 8 Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. 9 Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(A) (B) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.
13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”
Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem
12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: 2 “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. 3 Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. 4 Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. 5 Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.
6 “Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.
7 “Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. 8 Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. 9 At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.
10 “Ang(C) (D) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”
Footnotes
- 13 Ilagay…ng templo: Sa ibang manuskrito'y Ibigay mo iyan sa magpapalayok .
Santiago 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman
5 Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. 2 Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. 3 Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. 4 Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! 5 Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. 6 Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Pagtitiyaga at Pananalangin
7 Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(D) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
12 Ngunit(E) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(F) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(G) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(H) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.
19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(I) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.