Pahayag 2:18-29
Magandang Balita Biblia
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:
“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(A) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(B) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(C) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.
29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.