Mga Awit 82-86
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[a]
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang(A) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban
Awit ni Asaf.
83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
2 Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
3 Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
laban sa lahat ng iyong iningatan.
4 Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
upang ang Israel, malimutan na rin!”
5 Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano,
kanilang pasya ay lumaban sa iyo.
6 Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,
Moab at Agarenos lahat nagkaisa.
7 Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya,
Amalek at Tiro at ang Filistia.
8 Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan,
sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah)[b]
9 Mga(B) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
11 Yaong(C) mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.
Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
12 sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos
ay ating kamkami't maging ating lubos.”
13 Ikalat mo silang parang alikabok,
tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
ang tangi't dakilang hari ng daigdig!
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[c]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[d]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[e]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[f]
3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.
4 Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Panalangin ni David.
86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
ako'y mahina na't wala nang tumingin.
2 Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.
3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
4 Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
5 Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
7 Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
iyong tinutugon ang aking pagtawag.
8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
sa iyong gawai'y walang makaparis.
9 Ang(D) lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo't magbibigay galang;
sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
taong mararahas, na ang adhikain
ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
upang mapahiya ang aking kaaway,
kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!