Mga Awit 139-142
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7 Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8 Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(B) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Maskil(C) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.