Deuteronomio 27
Ang Biblia (1978)
Susulatin ang mga batas sa bundok ng Ebal.
27 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 At mangyayaring sa araw (A)na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay (B)maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;
3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang (C)lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.
4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, (D)sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.
5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; (E)huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.
7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;
8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, (F)na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.
10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
11 At ibinilin ni Moises sa bayan nang araw ding yaon, na sinasabi,
12 Ang mga ito'y tatayo (G)sa ibabaw ng bundok ng Gerizim, upang basbasan ang bayan, pagka inyong naraanan na ang Jordan; ang Simeon, at ang Levi, at ang Juda, at ang Issachar at ang Jose, at ang Benjamin:
13 At ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa; ang Ruben, ang Gad, at ang Aser, at ang Zabulon, ang Dan, at ang Nephtali.
14 At (H)ang mga Levita ay sasagot, at magsasabi ng malakas na tinig sa lahat ng mga lalake sa Israel.
Sumpang sasalitain sa bundok ng Ebal.
15 (I)Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inanyuan o binubo, bagay na karumaldumal sa Panginoon, na gawa ng mga kamay ng manggagawa, at inilagay sa dakong lihim. (J)At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Siya nawa.
16 (K)Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
17 (L)Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
18 (M)Sumpain yaong magligaw ng bulag sa daan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
19 (N)Sumpain yaong magliko ng matuwid ng taga ibang bayan, ng ulila at ng babaing bao. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
20 (O)Sumpain yaong sumiping sa asawa ng kaniyang ama; sapagka't kaniyang inilitaw ang balabal ng kaniyang ama. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
21 (P)Sumpain yaong sumiping sa alinmang hayop. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
22 (Q)Sumpain yaong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, sa anak ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
23 (R)Sumpain yaong sumiping sa kaniyang biyanan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
24 (S)Sumpain yaong sumakit ng lihim sa kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
25 (T)Sumpain yaong tumanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
26 (U)Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.
Deuteronomio 27
Ang Biblia, 2001
Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Bato
27 Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, “Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 Sa(A) araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster.
3 Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno.
4 Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster.
5 Doo'y(B) magtatayo ka ng isang batong dambana sa Panginoon mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa Panginoon mong Diyos.
7 Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng Panginoon mong Diyos;
8 at isusulat mo nang malinaw sa mga batong iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”
9 Si Moises at ang mga paring Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, “Tumahimik ka at pakinggan mo, O Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Diyos.
10 Kaya't sundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.”
Mga Sumpa sa Pagsuway
11 Inatasan ni Moises ang bayan ng araw na iyon, na sinasabi:
12 “Pagtawid(C) ninyo sa Jordan, ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim upang basbasan ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin;
13 at ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa: Ruben, Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neftali.
14 Ang mga Levita ay sasagot at magsasalita sa malakas na tinig sa lahat ng mga lalaki sa Israel.
15 “‘Sumpain(D) ang taong gumagawa ng larawang inukit o inanyuan, isang karumaldumal sa Panginoon na gawa ng mga kamay ng manggagawa at lihim na inilagay sa isang dako.’ At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, ‘Amen.’
16 “‘Sumpain(E) ang sumisira ng puri ng kanyang ama o ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
17 “‘Sumpain(F) ang mag-aalis ng muhon ng kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
18 “‘Sumpain(G) ang magliligaw ng bulag sa daan.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
19 “‘Sumpain(H) ang bumabaluktot ng katarungan para sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
20 “‘Sumpain(I) ang sumisiping sa asawa ng kanyang ama, sapagkat kanyang inililitaw ang balabal ng kanyang ama.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
21 “‘Sumpain(J) ang sumisiping sa alinmang hayop.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
22 “‘Sumpain(K) ang sumisiping sa kanyang kapatid na babae, sa anak ng kanyang ama, o sa anak na babae ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “‘Sumpain(L) ang sumisiping sa kanyang biyenang babae.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
24 “‘Sumpain ang pumapatay ng lihim sa kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
25 “‘Sumpain ang tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
26 “‘Sumpain(M) ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
