Mga Bilang 6-14
Ang Dating Biblia (1905)
6 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinomang lalake o babae ay gagawa ng isang tanging panata, ng panata ng isang Nazareo, upang tumalaga sa Panginoon:
3 Ay hihiwalay siya sa alak at sa matapang na inumin; siya'y hindi iinom ng suka ng alak, o tubang nakalalasing, ni iinom man ng anomang katas na galing sa ubas o kakain man ng sariwang ubas o pasas.
4 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay hindi siya kakain ng anomang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kaniyang ulo: hanggang sa matupad ang mga araw na kaniyang itinalaga sa Panginoon, ay magpapakabanal siya; kaniyang pababayaang humaba ang buhok ng kaniyang ulo.
6 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga sa Panginoon, ay huwag siyang lalapit sa patay na katawan.
7 Siya'y huwag magpapakarumi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, o sa kaniyang kapatid na lalake, o babae, pagka sila'y namatay: sapagka't ang pagtalaga niya sa Dios, ay sumasa kaniyang ulo.
8 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga, ay banal siya sa Panginoon.
9 At kung ang sinoman ay biglang mamatay sa kaniyang siping, at mahawa ang ulo ng kaniyang pagkatalaga: ay aahitan nga niya ang kaniyang ulo sa araw ng paglilinis, sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato o dalawang inakay ng kalapati sa saserdote, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
11 At ihahandog ng saserdote ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin at itutubos sa kaniya, sapagka't siya'y nagkasala dahil sa patay, at babanalin ang kaniyang ulo sa araw ding yaon.
12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga, at siya'y magdadala ng isang korderong lalake ng unang taon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: datapuwa't ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka't ang kaniyang pagkatalaga ay nadumhan.
13 At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo, pagka natupad na ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga: siya'y dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;
14 At kaniyang ihahandog ang kaniyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin, at isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na walang kapintasan na pinakahandog tungkol sa kapayapaan,
15 At isang bakol na tinapay na walang lebadura, mga munting tinapay ng mainam na harina na hinaluan ng langis at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang handog na harina niyaon at ang mga handog na inumin niyaon.
16 At ihaharap ng saserdote yaon sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kaniyang handog dahil sa kasalanan at ang kaniyang handog na susunugin:
17 At kaniyang ihahandog sa Panginoon ang tupang lalake na pinaka-hain na handog tungkol sa kapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang lebadura: ihahandog din ng saserdote ang handog na harina niyaon at ang handog na inumin niyaon.
18 At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan.
19 At kukunin ng saserdote ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga:
20 At aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.
21 Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka:
25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo:
26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.
7 At nangyari ng araw na matapos ni Moises na maitayo ang tabernakulo, at mapahiran ng langis at mapaging banal, pati ng lahat ng kasangkapan niyaon, at ang dambana pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at mapahiran ng langis at mapaging banal;
2 Na naghandog ang mga prinsipe sa Israel, ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang. Ito ang mga prinsipe sa mga lipi, ito ang mga namamahala roon sa nangabilang:
3 At kanilang dinala ang kanilang alay sa harap ng Panginoon, anim na karitong may takip, at labing dalawang baka; isang kariton sa bawa't dalawa sa mga prinsipe, at sa bawa't isa'y isang baka: at kanilang iniharap sa harapan ng tabernakulo.
4 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5 Tanggapin mo sa kanila, upang sila'y gumawa ng paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan, at ibibigay mo sa mga Levita, sa bawa't lalake ang ayon sa kanikaniyang paglilingkod.
6 At tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay sa mga Levita.
7 Dalawang kariton at apat na baka ay ibinigay niya sa mga anak ni Gerson, ayon sa kanilang paglilingkod:
8 At apat na kariton at walong baka ay kaniyang ibinigay sa mga anak ni Merari, ayon sa kanilang paglilingkod, sa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.
9 Nguni't sa mga anak ni Coath ay walang ibinigay siya: sapagka't ang paglilingkod sa santuario ay nauukol sa kanila; kanilang pinapasan sa kanilang mga balikat.
10 At ang mga prinsipe ay naghandog sa pagtatalaga sa dambana noong araw na pahiran ng langis, sa makatuwid baga'y ang mga prinsipe ay naghandog ng kanilang alay sa harap ng dambana.
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sila'y maghahandog ng kanilang alay, na bawa't prinsipe'y sa kaniyang kaarawan, sa pagtatalaga sa dambana.
12 At ang naghandog ng kaniyang alay nang unang araw ay si Naason na anak ni Aminadab sa lipi ni Juda:
13 At ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
14 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan,
15 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
16 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
17 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Naason na anak ni Aminadab.
18 Nang ikalawang araw, si Nathanael na anak ni Suar, na prinsipe ni Issachar ay naghandog:
19 Kaniyang inihandog na pinakaalay niya, ay isang pinggang pilak na ang bigat ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
20 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo na puno ng kamangyan;
21 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
22 Isang lalaking kambing na handog dahil sa kasalanan;
23 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Nathanael na anak ni Suar.
24 Nang ikatlong araw ay si Eliab na anak ni Helon, na prinsipe sa mga anak ni Zabulon:
25 Ang kaniyang alay, ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
26 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
27 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
28 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
29 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon.
30 Nang ikaapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur, na prinsipe sa mga anak ni Ruben:
31 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina.
32 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
33 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
34 Isang lalaking kambing na handog dahil sa kasalanan;
35 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur.
36 Nang ikalimang araw ay si Selumiel na anak ni Zurisaddai, na prinsipe sa mga anak ni Simeon:
37 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
38 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo na puno ng kamangyan.
39 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
40 Isang kambing na lalake, na handog dahil sa kasalanan;
41 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurisaddai.
42 Nang ikaanim na araw ay si Eliasaph na anak ni Dehuel, na prinsipe sa mga anak ni Gad:
43 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
44 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
45 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
46 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
47 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Eliasaph na anak ni Dehuel.
48 Nang ikapitong araw ay si Elisama na anak ni Ammiud, na prinsipe sa mga anak ni Ephraim:
49 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
50 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
51 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon na handog na susunugin;
52 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
53 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Elisama na anak ni Ammiud.
54 Nang ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur, na prinsipe sa mga anak ni Manases:
55 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
56 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
57 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
58 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
59 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur.
60 Nang ikasiyam na araw ay si Abidan, na anak ni Gedeon, na prinsipe sa mga anak ni Benjamin:
61 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
62 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
63 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
64 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
65 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Abidan na anak ni Gedeon.
66 Nang ikasangpung araw ay si Ahiezer na anak ni Ammisaddai, na prinsipe sa mga anak ni Dan:
67 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
68 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
69 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
70 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
71 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
72 Nang ikalabing isang araw ay si Pagiel na Anak ni Ocran, na prinsipe sa mga anak ni Aser:
73 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
74 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
75 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
76 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
77 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, at limang kambing na lalake, at limang korderong lalake, ng unang taon: ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran.
78 Nang ikalabing dalawang araw ay si Ahira na anak ni Enan, na prinsipe sa mga anak ni Nephtali:
79 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
80 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
81 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
82 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
83 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan.
84 Ito ang pagtatalaga ng dambana nang araw na pahiran ng langis ng mga prinsipe sa Israel: labing dalawang pinggang pilak, labing dalawang mangkok na pilak, labing dalawang kutsarang ginto:
85 Na bawa't pinggang pilak ay isang daan at tatlong pung siklo ang bigat, at bawa't mangkok ay pitong pu: lahat ng pilak ng mga sisidlan ay dalawang libo at apat na raang siklo, ayon sa siklo ng santuario;
86 Ang labing dalawang kutsarang ginto, na puno ng kamangyan, na ang bigat ay sangpung siklo bawa't isa, ayon sa siklo ng santuario; lahat ng ginto ng mga kutsara, ay isang daan at dalawang pung siklo:
87 Lahat ng mga baka na handog na susunugin ay labing dalawang toro, ang mga tupang lalake ay labing dalawa, ang mga korderong lalake ng unang taon ay labing dalawa, at ang mga handog na harina niyaon; at ang mga kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan ay labing dalawa:
88 At lahat ng mga baka na pinaka-hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang pu't apat na toro, ang mga tupang lalake ay anim na pu, ang mga kambing na lalake ay anim na pu, ang mga korderong lalake ng unang taon ay anim na pu. Ito ang pagtatalaga sa dambana pagkatapos na mapahiran ng langis.
89 At nang si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang makipagsalitaan sa kaniya, ay narinig nga niya ang tinig na nagsasalita sa kaniya, mula sa itaas ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na nasa gitna ng dalawang querubin: at siya'y nagsalita sa kaniya.
8 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo kay Aaron, at sabihin mo sa kaniya, Pagsisindi mo ng mga ilawan, ay iyong papagliliwanagin ang pitong ilawan sa harap ng kandelero.
3 At ginawang gayon ni Aaron: kaniyang sinindihan ang mga ilawan upang magliwanag sa harap ng kandelero, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4 At ito ang pagkayari ng kandelero, gintong niyari sa pamukpok; mula sa tungtungan niyaon hanggang sa mga bulaklak niyaon ay yari sa pamukpok: ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises, ay gayon niya ginawa ang kandelero.
5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
7 At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang linisin sila: iwisik mo sa kanila ang tubig na panglinis ng sala, at kanilang paraanin ang pang-ahit sa buong laman nila, at labhan nila ang kanilang mga suot, at sila'y magpakalinis.
8 Kung magkagayo'y pakunin mo sila ng isang guyang toro at ng handog na harina niyaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang guyang toro na handog dahil sa kasalanan.
9 At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng tabernakulo ng kapisanan at pipisanin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel:
10 At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita:
11 At ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon na pinakahandog, na inalog sa ganang mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga guyang toro: at ihandog mo ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
13 At patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak, at ihahandog mo ang mga yaon na pinakahandog na inalog sa Panginoon.
14 Ganito mo ihihiwalay ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay magiging akin.
15 At pagkatapos nito ay magsisipasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan at iyo silang lilinisin, at ihahandog mo na pinakahandog na inalog.
16 Sapagka't sila'y buong nabigay sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel; na kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagsisipagbukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga anak ni Israel.
17 Sapagka't lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel ay akin, maging tao at maging hayop: nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ay aking pinapagingbanal para sa akin.
18 At aking kinuha ang mga Levita na kapalit ng lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel.
19 At aking ibinigay ang mga Levita na pinaka kaloob kay Aaron at sa kaniyang mga anak mula sa gitna ng mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, at upang magsigawa ng pangtubos sa mga anak ni Israel, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna ng mga anak ni Israel, pagka ang mga anak ni Israel, ay lumalapit sa santuario.
20 Ganito ang ginawa ni Moises, at ni Aaron, at ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita: ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.
21 At ang mga Levita ay nagsipaglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at nagsipaglaba ng kanilang mga damit; at inihandog ni Aaron sila na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay naggawa ng pangtubos sa kanila upang linisin sila.
22 At pagkatapos niyaon ay nagsipasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak: kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ang ginawa nila sa kanila.
23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 Ito ang nauukol sa mga Levita: mula sa dalawang pu't limang taong gulang na patanda, ay papasok upang maglingkod sa gawa ng tabernakulo ng kapisanan.
25 At mula sa limang pung taong gulang ay titigil sila sa paglilingkod sa gawain at hindi na sila maglilingkod;
26 Nguni't sila'y mangangasiwa ng kanilang mga kapatid sa tabernakulo ng kapisanan, upang ingatan ang katungkulan, at sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
2 Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.
3 Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.
5 At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:
7 At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?
8 At sinabi ni Moises sa kanila, Maghintay kayo; upang aking marinig ang ipaguutos ng Panginoon tungkol sa inyo.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinomang tao sa inyo o sa inyong sali't saling lahi ay maging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungan sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdidiwang din ang paskua sa Panginoon:
11 Sa ikalawang buwan nang ikalabing apat na araw sa paglubog ng araw, ay kanilang ipagdidiwang; kanilang kakanin na may mga tinapay na walang lebadura at mga gulay na mapait:
12 Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang.
13 Datapuwa't ang lalaking malinis, at wala sa paglalakbay, at hindi magdiwang ng paskua, ay ihihiwalay ang taong yaon, sa kaniyang bayan; sapagka't siya'y hindi naghandog ng alay sa Panginoon sa kaukulang panahon, ang taong yaon ay magtataglay ng kaniyang kasalanan.
14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makikipamayan sa inyo, at ipagdidiwang ang paskua sa Panginoon; ayon sa palatuntunan ng paskua, at ayon sa ayos, ay gayon gagawin niya; kayo'y magkakaroon ng isang palatuntunan, maging sa taga ibang lupa, at maging sa ipinanganak sa lupain.
15 At nang araw na ang tabernakulo ay itayo, ay tinakpan ng ulap ang tabernakulo, sa makatuwid baga'y ang tabernakulo ng patotoo: at sa paglubog ng araw ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy hanggang sa kinaumagahan.
16 Gayon namalagi: ang ulap ang tumakip doon, at ang anyong apoy sa gabi.
17 At kailan pa man ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng Tolda ay naglakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel: at sa dakong tigilan ng ulap ay doon humantong ang mga anak ni Israel.
18 Sa utos ng Panginoon ay nagsisipaglakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay humantong sila: kung gaano kalaon ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ay siya nilang ipina-nanatili sa kampamento.
19 At pagka ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo na maluwat, ay iningatan ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi naglalakbay.
20 At kung minsan ay nananatiling ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; ayon nga sa utos ng Panginoon ay tumitira sila sa mga tolda at ayon sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila.
21 At kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan; at pagka ang ulap ay napaitaas sa kinaumagahan, ay naglakbay sila: maging araw maging gabi, na ang ulap ay paitaas, ay naglakbay sila.
22 Maging dalawang araw o isang buwan, o isang taon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, na manatili sa ibabaw niyaon, ay tumitira ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglakbay: datapuwa't pagtaas ay naglakbay sila.
23 Sa utos ng Panginoon ay humantong sila, at sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila; kanilang iningatan ang bilin ng Panginoon, sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Gumawa ka ng dalawang pakakak na pilak; yari sa pamukpok gagawin mo: at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapisanan, at sa paglalakbay ng mga kampamento.
3 At pagka kanilang hihipan, ay magpipisan sa iyo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
4 At kung kanilang hihipan ang isa lamang, ang mga prinsipe nga, ang mga pangulo sa mga libolibong taga Israel, ay magpipisan sa iyo.
5 At paghihip ninyo ng hudyat, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong silanganan.
6 At paghihip ninyo ng hudyat na ikalawa, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong timugan: sila'y hihihip ng isang hudyat para sa kanilang paglalakbay.
7 Datapuwa't pagka ang kapisanan ay magpipisan ay hihihip kayo, nguni't huwag ninyong patutunuging ayon sa hudyat.
8 At ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay magsisihihip ng mga pakakak; at magiging palatuntunan sa inyo magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi.
9 At pagka makikipagbaka kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na sa inyo'y pumipighati, ay inyo ngang patutunugin ang hudyat ng pakakak; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10 Gayon sa kaarawan ng inyong kasayahan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang mga pakakak sa ibabaw ng inyong mga handog na susunugin, at sa ibabaw ng mga hain ng inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.
11 At nangyari sa ikalawang taon, nang ikalawang buwan, nang ikadalawang pung araw ng buwan, na ang ulap ay napaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa kanilang mga paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay tumahan sa ilang ng Paran.
13 At kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
14 At unang sumulong ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga hukbo; at nangungulo sa kaniyang hukbo si Naason na anak ni Aminadab.
15 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Issachar, si Nathanael na anak ni Suar.
16 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon, si Eliab na anak ni Helon.
17 At ang tabernakulo ay tinanggal at ang mga anak ni Gerson at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo ay nagsisulong.
18 At ang watawat ng kampamento ng Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
19 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurisaddai.
20 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaph na anak ni Dehuel.
21 At ang mga Coathita ay nagsisulong na dala ang santuario: at itinayo ng iba ang tabernakulo samantalang ang mga ito'y nagsisidating.
22 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Ephraim ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisama na anak ni Ammiud.
23 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur.
24 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gedeon.
25 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampamento ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
26 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Phegiel na anak ni Ocran.
27 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Nephtali si Ahira na anak ni Enan.
28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo; at sila'y nagsisulong.
29 At si Moises ay nagsabi kay Hobab na anak ni Rehuel na Madianita, biyanan ni Moises: Kami ay naglalakbay sa dakong sinabi ng Panginoon, Aking ibibigay sa inyo: sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti: sapagka't ang Panginoon ay nagsalita ng mabuti tungkol sa Israel.
30 At sinabi niya sa kaniya, Ako'y hindi paroroon; kundi ako'y babalik sa aking sariling lupain, at sa aking kamaganakan.
31 At sinabi ni Moises, Huwag mo kaming iwan, ipinamamanhik ko sa iyo; sapagka't nalalaman mo kung paanong hahantong kami sa ilang, at ikaw ay maaari sa aming pinakamata.
32 At mangyayari, na kung ikaw ay sasama sa amin, oo, mangyayari, na anomang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.
33 At sila'y nagsisulong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
34 At ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila sa araw, pagka sila'y sumulong mula sa kampamento.
35 At nangyari pagka ang kaban ay isinulong na sinabi ni Moises, Bumangon ka, Oh Panginoon, at mangalat ang mga kaaway mo, at magsitakas sa harap mo ang nangapopoot sa iyo.
36 At pagka inilapag ay kaniyang sinabi, Bumalik ka, Oh Panginoon sa mga laksang libolibong Israelita.
11 At ang bayan ay naging parang mapag-upasala na nagsalita ng masasama sa pakinig ng Panginoon: at nang marinig ng Panginoon ay nagningas ang kaniyang galit; at ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila, at sinupok ang kahulihulihang bahagi ng kampamento.
2 At ang bayan ay humibik kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Tabera: sapagka't ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila.
4 At ang halohalong karamihan na nasa gitna nila ay nahulog sa kasakiman: at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain?
5 Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad; ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang:
6 Nguni't ngayo'y ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanoanoman: sa ating harapan ay walang anoman kundi ang manang ito.
7 At ang mana ay gaya ng butil ng culantro, at ang kulay niyaon ay gaya ng kulay ng bdelio.
8 Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay at ang lasa ay gaya ng lasa ng bagong langis.
9 At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang mana ay nahuhulog.
10 At narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanikaniyang sangbahayan, na bawa't lalake ay nasa pintuan ng kaniyang tolda; at ang galit ng Panginoon ay nagningas na mainam; at sumama ang loob ni Moises.
11 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? at bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito.
12 Akin ba kayang ipinaglihi ang buong bayang ito? ipinanganak ko ba upang iyong sabihin sa akin, Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakandong ang kaniyang batang pasusuhin, sa lupain na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? sapagka't sila'y umiyak sa akin, na nagsisipagsabi, Bigyan mo kami ng karneng aming makain.
14 Hindi ko kayang dalhing magisa ang buong bayang ito, sapagka't totoong mabigat sa akin.
15 At kung ako'y ginagawan mo ng ganito ay patayin mo na ako, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.
16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa.
18 At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw;
20 Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto?
21 At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.
22 Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila?
23 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.
24 At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.
26 Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento.
27 At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento.
28 At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila.
29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!
30 At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.
31 At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa.
32 At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento.
33 Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa.
34 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim.
35 Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.
12 At si Miriam at si Aaron ay nagsalitaan laban kay Moises tungkol sa pagkapagasawa niya sa isang babaing Cusita: sapagka't siya'y nag-asawa sa isang babaing Cusita.
2 At kanilang sinabi, Ang Panginoon ba'y kay Moises lamang nakipagsalitaan? hindi ba nakipagsalitaan din naman sa atin? At narinig ng Panginoon.
3 Ang lalake ngang si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.
4 At sinalita agad ng Panginoon kay Moises, at kay Aaron, at kay Miriam, Lumabas kayong tatlo sa tabernakulo ng kapisanan. At silang tatlo ay lumabas.
5 At ang Panginoon ay bumaba sa isang tila haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng Tolda, at tinawag si Aaron at si Miriam: at sila'y kapuwa lumabas.
6 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya sa pangitain, na kakausapin ko siya sa panaginip.
7 Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; siya'y tapat sa aking buong buhay:
8 Sa kaniya'y makikipag-usap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?
9 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila; at siya'y umalis.
10 At ang ulap ay lumayo sa Tolda; at narito, si Miriam ay nagkaketong, na pumuting gaya ng niebe; at tiningnan ni Aaron si Miriam, at narito, siya'y nagkaketong.
11 At sinabi ni Aaron kay Moises, Oh panginoon ko, isinasamo ko sa iyo na huwag mong iparatang ang kasalanan sa amin, sapagka't ginawa namin na may kamangmangan, at sapagka't kami ay nagkasala.
12 Huwag mong itulot sa kaniya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na tunaw ang kalahati ng kaniyang laman paglabas sa tiyan ng kaniyang ina.
13 At humibik si Moises sa Panginoon, na sinasabi, Pagalingin mo siya, Oh Dios, ipinamamanhik ko sa iyo.
14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Kung siya'y niluran ng kaniyang ama sa kaniyang mukha, hindi ba siya mahihiyang pitong araw? kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampamento, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.
15 At si Miriam ay kinulong na pitong araw sa labas ng kampamento: at ang bayan ay hindi naglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
16 At pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haseroth, at humantong sa ilang ng Paran.
13 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.
3 At sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.
5 Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.
6 Sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.
7 Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.
8 Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.
9 Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.
10 Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.
11 Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.
12 Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.
13 Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.
14 Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.
15 Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si Oseas.
17 At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at umakyat kayo sa mga bundok:
18 At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;
20 At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. At magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Emath.
22 At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay natayong pitong taon bago ang Zoan sa Egipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.
24 Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.
25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.
26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.
28 Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.
29 Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
30 At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.
31 Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.
32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.
33 At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.
14 At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.
2 At inupasala ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron: at sinabi sa kanila ng buong kapisanan, Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Egipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!
3 At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto?
4 At nag-sangusapan sila, Tayo'y maglagay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Egipto.
5 Nang magkagayon, si Moises at si Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan na kapisanan ng mga anak ni Israel.
6 At hinapak ni Josue na anak ni Nun, at ni Caleb na anak ni Jephone, na mga kasamang tumiktik sa lupain, ang kanilang mga suot:
7 At sinalita nila sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.
8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
9 Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka't sila'y tinapay sa atin; ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.
10 Datapuwa't tinangka ng buong kapisanan na pagbatuhanan sila. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa tabernakulo ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12 Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.
13 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Kung gayo'y mababalitaan ng mga taga Egipto; sapagka't isinampa mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan sa gitna nila;
14 At kanilang sasaysayin sa mga tumatahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon, ay nasa gitna ng bayang ito; sapagka't ikaw Panginoon, ay napakita ng mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga yaon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15 Kung iyong papatayin nga ang bayang ito na parang isang tao, ay magsasalita nga ang mga bansang nakabalita ng iyong kabantugan na sasabihin,
16 Sapagka't hindi madadala ng Panginoon ang bayang ito sa lupain, na kaniyang isinumpa sa kanila, kaya't kaniyang pinatay sila sa ilang.
17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, na itulot mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong sinalita, na sinasabi,
18 Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalangsang; at sa anomang paraan ay hindi aariing walang muang ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng lahi.
19 Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan, at ayon sa iyong pagkapatawad sa bayang ito, mula sa Egipto hanggang ngayon.
20 At sinabi ng Panginoon, Aking pinatawad ayon sa iyong salita:
21 Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa:
22 Sapagka't ang lahat ng taong yaon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda, na aking ginawa sa Egipto at sa ilang ay tinukso pa rin ako nitong makasangpu, at hindi dininig ang aking tinig;
23 Tunay na hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, ni sinoman sa kanila na humamak sa akin ay hindi makakakita:
24 Kundi ang aking lingkod na si Caleb, sapagka't siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa akin, ay aking dadalhin siya sa lupain na kaniyang pinaroonan; at aariin ng kaniyang lahi.
25 Ngayon nga'y ang mga Amalecita at ang mga Cananeo ay tumatahan sa libis: bukas ay magbalik kayo at kayo'y pasa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.
26 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
27 Hanggang kailan titiisin ko ang masamang kapisanang ito, na naguupasala laban sa akin? Aking narinig ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang inuupasala laban sa akin.
28 Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng Panginoon, tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa aking pakinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo:
29 Ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; at yaong lahat na nangabilang sa inyo ayon sa inyong kabuoan ng bilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda na nag-upasala laban sa akin,
30 Ay tunay na hindi kayo papasok sa lupaing pinagtaasan ko ng aking kamay, na patatahanan ko sana sa inyo, maliban si Caleb na anak ni Jephone, at si Josue na anak ni Nun.
31 Nguni't ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32 Nguni't tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito.
33 At ang inyong mga anak ay magiging gala sa ilang na apat na pung taon, at kanilang tataglayin ang inyong pakikiapid, hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang.
34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga'y apat na pung araw, sa bawa't araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan.
35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapisanang ito, na nagpipisan laban sa akin: sa ilang na ito matutunaw sila, at diyan sila mamamatay.
36 At ang mga lalake, na sinugo ni Moises upang tumiktik ng lupain, na nagsipagbalik, at nagpaupasala ng buong kapisanan laban sa kaniya sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37 Sa makatuwid baga'y ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38 Nguni't si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jephone, ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain.
39 At sinaysay ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel: at ang bayan ay tumaghoy na mainam.
40 At sila'y bumangong maaga sa kinaumagahan, at umakyat sila sa taluktok ng bundok, na sinasabi, Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon: sapagka't kami ay nagkasala.
41 At sinabi ni Moises, Bakit sinasalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay ay hindi ninyo ikasusulong?
42 Huwag kayong umakyat, sapagka't ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway.
43 Sapagka't nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak: sapagka't kayo'y humiwalay sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay wala sa inyo.
44 Nguni't sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok: gayon ma'y ang kaban ng tipan ng Panginoon, at si Moises ay hindi nagsilabas sa kampamento.
45 Nang magkagayon ang mga Amalecita ay bumaba at ang mga Cananeo na tumatahan sa bundok na yaon, ay sinaktan sila at nilupig silang hinabol, hanggang sa Horma.