Add parallel Print Page Options

Babala Laban sa Pangangalunya

Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
    pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
    at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
    at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
    hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
    daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
    ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.

Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
    huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
    ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
    sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
    mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
    walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12 Dito mo nga maiisip:
    “Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
    puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
    sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14 At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
    isang kahihiyan sa ating lipunan.”

15 Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
    at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16 Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
    walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17 Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
    upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18 Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
    ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19 Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
    ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20 Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
    ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21 Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
    laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
    siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23 Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
    at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.

Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa:

Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman.

Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis:

Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.

Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol;

Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.

Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig.

Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay:

Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik:

10 Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid;

11 At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw,

12 At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway:

13 Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!

14 Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.

15 Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon.

16 Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan?

17 Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo.

18 Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.

19 Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig.

20 Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala?

21 Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.

22 Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan.

23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.