Add parallel Print Page Options

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Footnotes

  1. 3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
  2. 4 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
  3. 6 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.

87 Ang kaniyang patibayan ay nasa mga banal na bundok.

Minahal ng Panginoon ang mga pintuang-bayan ng Sion, ng higit kay sa lahat na tahanan ng Jacob.

Maluwalhating mga bagay ang sinalita tungkol sa iyo, Oh bayan ng Dios. (Selah)

Aking babanggitin ang Rahab at ang Babilonia na kasama ng mga nakakakilala sa akin: narito, ang Filistia at ang Tiro, pati ng Etiopia; ang isang ito ay ipinanganak diyan.

Oo, tungkol sa Sion ay sasabihin, ang isang ito at ang isang yaon ay ipinanganak sa kaniya; at itatatag siya ng Kataastaasan.

Sasalaysayin ng Panginoon, pagka kaniyang isinulat ang mga bayan, ang isang ito ay ipinanganak diyan. (Selah)

Silang nagsisiawit na gaya ng nagsisisayaw ay mangagsasabi, lahat ng aking mga bukal ay nangasa iyo.