Add parallel Print Page Options

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.

66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
    Awitan siya't luwalhatiin siya!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
    “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
    yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
    awit ng papuri yaong kinakanta;
    ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
    ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
    mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
Makapangyarihang hari kailanman,
    siya'y nagmamasid magpakailanman;
    kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
    ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
    ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
    mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
    at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
    kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
    di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
    sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
    pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
    at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Footnotes

  1. 4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
  2. 7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
  3. 15 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.