Mga Awit 64
Magandang Balita Biblia
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
2 ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
5 Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
6 At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
“Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!
7 Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
9 yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.
Mga Awit 64
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
Awit 64
Ang Dating Biblia (1905)
64 Dinggin mo ang tinig ko, Oh Dios, sa aking hibik: ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa lihim na payo ng mga manggagawa ng kasamaan; sa panggugulo ng mga manggagawa ng kasamaan:
3 Na siyang nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, sa makatuwid baga'y ang masasakit na salita:
4 Upang kanilang maihilagpos sa sakdal sa mga lihim na dako: biglang inihihilagpos nila sa kaniya at hindi natatakot.
5 Sila'y nagpapakatapang sa masamang akala; sila'y nagsasangusapan ng paglalagay ng lihim na silo; Sinasabi nila, Sinong makakakita?
6 Sila'y nagsisipagsiyasat ng mga kasamaan; aming naganap, sabi nila, ang masikap na pagsiyasat; at ang pagiisip sa loob ng bawa't isa, at ang puso ay malalim.
7 Nguni't pahihilagpusan sila ng Dios; sila'y masusugatang bigla ng isang palaso.
8 Sa gayo'y sila'y matitisod palibhasa't ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila: ang lahat na makakita sa kanila ay mangaguuga ng ulo.
9 At lahat ng mga tao ay mangatatakot; at kanilang ipahahayag ang salita ng Dios, at may karunungang kanilang bubuhayin ang kanilang gawa.
10 Ang matuwid ay matutuwa sa Panginoon, at manganganlong sa kaniya; at lahat ng mga matuwid sa puso ay magsisiluwalhati.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
