Add parallel Print Page Options

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Footnotes

  1. Mga Awit 52:1 MASKIL: Tingnan ang Awit 32.
  2. Mga Awit 52:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
  3. Mga Awit 52:5 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

52 Bakit ka naghahambog sa kasamaan, Oh makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.

Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama; gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan.

Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan; at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah)

Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila.

Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. (Selah)

Makikita naman ng matuwid, at matatakot, at tatawa sa kaniya, na magsasabi,

Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios; kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.

Nguni't tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios: tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man.

Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa: at ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagka't mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.