Mga Awit 34
Magandang Balita Biblia
Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.
34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
Mga Awit 34
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon ay taga pagbigay at taga pagligtas. (A)Awit ni David; nang siya'y magbago ng kilos sa harap ni Abimelek, na siyang nagpalayas sa kaniya, at siya'y yumaon.
34 Aking pupurihin (B)ang Panginoon sa buong panahon:
Ang pagpuri sa kaniya ay laging sasa aking bibig.
2 Ang aking kaluluwa ay maghahambog (C)sa Panginoon:
Maririnig ng maamo at masasayahan.
3 Oh dakilain ninyo na kasama ko ang Panginoon,
At tayo'y mangagbunyi na magkakasama ng kaniyang pangalan.
4 (D)Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako,
At iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan.
5 Sila'y nagsitingin sa kaniya, at (E)nangaliwanagan:
At ang kanilang mukha ay hindi malilito kailan man.
6 Itong abang tao'y dumaing, at dininig siya ng Panginoon.
At iniligtas siya sa lahat niyang mga kabagabagan.
7 (F)Ang anghel ng Panginoon ay (G)humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa kaniya,
At ipinagsasanggalang sila.
8 (H)Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti:
(I)Mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya.
9 Oh mangatakot kayo sa Panginoon, kayong mga banal niya:
Sapagka't walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
10 Ang mga (J)batang leon ay kinakapos at nagtitiis ng gutom.
(K)Nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay hindi kukulangin ng anomang mabuting bagay.
11 Magsiparito kayo, kayong mga anak, dinggin ninyo ako:
Aking tuturuan kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 (L)Sinong tao ang nagnanasa ng buhay,
At umiibig sa maraming kaarawan upang makakita siya ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama.
At ang iyong mga labi (M)sa pagsasalita ng karayaan.
14 (N)Lumayo ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti;
(O)Hanapin mo ang kapayapaan at habulin mo.
15 (P)Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid,
At ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.
16 (Q)Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan,
(R)Upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.
17 Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon,
At iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.
18 Ang Panginoon ay malapit (S)sa kanila na may bagbag na puso,
At inililigtas ang mga may pagsisising diwa.
19 (T)Marami ang kadalamhatian ng matuwid;
Nguni't inililigtas ng Panginoon sa lahat.
20 Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto:
(U)Wala isa man sa mga yaon na nababali.
21 Papatayin ng kasamaan ang masama:
At silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala.
22 (V)Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod:
At wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978