Add parallel Print Page Options

Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha

104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
    Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
    kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
    ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
    sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
    at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
    matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
    at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
    nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
    natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
    upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.

10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
    sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
    maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
    mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.

13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
    ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
    nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15     Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
    may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
    at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.

16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
    mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
    mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
    sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.

19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
    araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
    kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
    ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
    pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
    sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(B) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Footnotes

  1. Mga Awit 104:26 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kapangyarihan ng kaguluhan at kasamaan.

Ang pagiingat ng Panginoon sa lahat niyang gawa.

104 Purihin mo ang Panginoon, (A)Oh kaluluwa ko.
Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila;
(B)Ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.
Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan;
Na siyang naguunat ng mga langit na (C)parang tabing:
(D)Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig;
(E)Na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro;
(F)Na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:
(G)Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya;
(H)Ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:
Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa,
Upang huwag makilos magpakailan man,
Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan;
Ang tubig ay tumatayo (I)sa itaas ng mga bundok.
(J)Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas;
Sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;
Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis,
(K)Sa dako mong itinatag ukol sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan (L)upang sila'y huwag makaraan;
(M)Upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
Nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:
11 Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang;
Nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid,
Sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid:
Ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.
14 (N)Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop,
At ang gugulayin sa paglilingkod sa tao:
Upang siya'y maglabas (O)ng pagkain sa lupa:
15 (P)At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao,
At ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha,
At ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.
16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog;
Ang mga (Q)sedro sa Libano, (R)na kaniyang itinanim;
17 Na pinamumugaran ng mga ibon:
Tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.
18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing;
Ang mga malalaking bato ay kanlungan (S)ng mga coneho.
19 (T)Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon:
Nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.
20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi;
Na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.
21 (U)Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila,
At hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.
22 Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
At nangahihiga sa kanilang mga yungib.
23 Lumalabas ang tao sa (V)kaniyang gawain,
At sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.
24 (W)Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat:
Ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.
25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang,
Na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay,
Ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.
26 Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan:
Nandoon (X)ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.
27 (Y)Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo,
Upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.
28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila;
Iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.
29 (Z)Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag;
(AA)Iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay,
(AB)At nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.
30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang;
At iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man;
(AC)Magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:
32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig:
(AD)Kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.
33 (AE)Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay:
Ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.
34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay:
Ako'y magagalak sa Panginoon.
35 (AF)Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
At mawala nawa ang masama.
Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
Purihin ninyo ang Panginoon.