Mateo 8:28-9:8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Lalaking Sinasaniban ng Masasamang Espiritu(A)
28 Nang dumating siya sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno,[a] sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa mga kwebang libingan. Ang mga lalaking itoʼy sinasaniban ng masasamang espiritu. Napakababangis nila, kaya walang nakakadaan doon. 29 Sumigaw sila kay Jesus, “Ano ang pakialam mo sa amin, ikaw na anak ng Dios? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami nang wala pa sa takdang panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. 31 Nakiusap ang masasamang espiritu sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, payagan mo na lang kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
33 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita ang nangyari sa mga baboy at sa dalawang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 34 Kaya lumabas ang lahat ng tao sa bayan at pinuntahan si Jesus, at nakiusap sila na umalis siya sa lugar nila.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(B)
9 Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. 2 Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” 4 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” 7 Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. 8 Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.
Footnotes
- 8:28 Gadareno: Sa ibang tekstong Griego, Geraseno o, Gergeseno.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®