Add parallel Print Page Options

Ang Paglilibing kay Jesus(A)

57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.

Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan

62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.

Muling Nabuhay si Jesus(B)

28 Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay.

Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!”