Add parallel Print Page Options

Sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.

“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12 Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.

14 “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”

15 Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(C)

16 Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20 Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(D)

21 Nasalubong(E) nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako(F) siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25 Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. 26 Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” 27 May(G) dalawang tulisang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. [28 Sa gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”][a]

29 Ininsulto(H) siya ng mga nagdaraan at pailing-iling na sinabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? 30 Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! 32 Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”

Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. 34 Nang(J) ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” 36 May(K) tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y isinawsaw sa maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.

37 Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.

38 At(L) napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39 Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”

40 Naroon(M) din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. 41 Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42-43 Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Kapulungan. Siya rin ay naghihintay sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. 44 Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung matagal na siyang namatay. 45 Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.

Footnotes

  1. Marcos 15:28 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 28.

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”

Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.

Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”

Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.

Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.

Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.

Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

10 Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.

11 Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.

12 Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

14 Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

15 At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)

16 Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon.

17 Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya.

18 At pinasimulan nilang pagpugayan siya, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”

19 Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya.

20 Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(D)

21 Pinilit(E) nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.[a]

22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’

23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.

24 Siya'y(F) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.

25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.

28 [At(G) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]

29 Siya'y(H) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,

30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”

31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon.

34 (J) Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, “Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias.”

36 Tumakbo(K) ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, “Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba.”

37 Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga.

38 Ang(L) tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.

39 Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”[b]

40 At(M) mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome;

41 na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42 Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath,

43 si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

44 At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya.

45 Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.

46 At bumili si Jose[c] ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan.

47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Footnotes

  1. Marcos 15:21 Sa Griyego ay niya .
  2. Marcos 15:39 o isang anak ng Diyos .
  3. Marcos 15:46 Sa Griyego ay siya .

15 At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato.

At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi.

At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote.

At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo.

Datapuwa't si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa't nanggilalas si Pilato.

Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya.

At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik.

At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila'y gawin ang gaya ng sa kanila'y laging ginagawa.

At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

10 Sapagka't natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote.

11 Datapuwa't inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila.

12 At sumagot na muli si Pilato at sa kanila'y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio?

13 At sila'y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus.

14 At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus.

15 At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya'y mahampas niya, upang siya'y ipako sa krus.

16 At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong.

17 At siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya.

18 At nagpasimula silang siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Judio!

19 At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya'y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya'y sinamba.

20 At nang siya'y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus.

21 At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.

22 At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo.

23 At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap.

24 At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa.

25 At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO.

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa.

28 At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.

29 At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo,

30 Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus.

31 Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako.

33 At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam.

34 At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?

35 At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias.

36 At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba.

37 At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga.

38 At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba.

39 At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios.

40 At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome;

41 Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem.

42 At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath,

43 Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus.

44 At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay.

45 At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.

46 At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan.

47 At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.