Lucas 24
Magandang Balita Biblia
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
24 Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. 3 Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. 5 Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? 6 Wala(B) siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”
8 Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, 9 kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. [12 Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumuko siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang lino na ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.][a]
Sa Daang Papunta sa Emaus(C)
13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro[b] ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”
Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”
19 “Anong mga pangyayari?” tanong niya.
Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.
28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(D)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”][c] 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”
[40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.][d] 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”
45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan(E) ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(F)
50 Pagkatapos(G) ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang(H) binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit].[e] 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Footnotes
- Lucas 24:12 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 12.
- Lucas 24:13 labing-isang kilometro: Sa Griego ay 60 stadia .
- Lucas 24:36 at nagsabi...ang kapayapaan: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Lucas 24:40 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 40.
- Lucas 24:51 at dinala paakyat sa langit: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
Lucas 24
Ang Biblia (1978)
24 Datapuwa't (A)nang unang araw ng sanglinggo (B)pagkaumagang-umaga, ay nagsiparoon sila sa libingan, na may dalang mga (C)pabango na kanilang inihanda.
2 At nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
3 At sila'y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.
4 At nangyari, na samantalang sila'y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang (D)dalawang (E)lalake na nakasisilaw ang mga damit:
5 At nang sila'y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa ay sinabi nila sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buháy sa gitna ng mga patay?
6 Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea (F)pa,
7 Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.
8 At naalaala nila ang kaniyang mga salita,
9 At nagsibalik mula sa libingan, (G)at ibinalita ang lahat ng mga bagay na ito sa labingisa, at sa lahat ng mga iba pa.
10 Sila nga'y si Maria (H)Magdalena, si (I)Juana, at si Mariang ina ni Santiago: at iba pang mga babaing kasama nila ang nangagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol.
11 At ang mga salitang ito'y (J)inakala nilang walang kabuluhan; at hindi nila pinaniwalaan.
12 Datapuwa't nagtindig si Pedro, (K)at tumakbo sa libingan; at nang siya'y tumungo pagtingin niya sa loob, ay nakita niya ang mga kayong lino na nangasa isang tabi; at umuwi siya sa kaniyang bahay na nanggigilalas sa nangyaring yaon.
13 At narito, (L)dalawa sa kanila ay naparoroon nang araw ding yaon sa isang nayong ngala'y Emaus, na may anim na pung estadio ang layo sa Jerusalem.
14 At kanilang pinaguusapan ang lahat ng mga bagay na nangyari.
15 At nangyari, na samantalang sila'y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila.
16 Datapuwa't sa (M)mga mata nila'y may nakatatakip upang siya'y huwag nilang makilala.
17 At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila'y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha.
18 At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo'y nangyari nang mga araw na ito?
19 At sinabi niya sa kanila, Anong mga bagay? At sinabi nila sa kaniya, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, (N)na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan:
20 At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya'y ipako sa krus.
21 Datapuwa't hinihintay naming (O)siya ang tutubos sa Israel. Oo at bukod sa lahat ng mga ito ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.
22 Bukod sa rito (P)iba sa mga babaing kasamahan namin na nagsiparoong (Q)maaga sa libingan, ay nakapagtaka sa amin;
23 At nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila nama'y nakakita (R)ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya'y buháy.
24 At nagsiparoon sa libingan ang (S)ilang kasama namin, at nasumpungan nila alinsunod sa sinabi ng mga babae: datapuwa't siya'y hindi nila nakita.
25 At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta!
26 (T)Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?
27 (U)At magmula kay (V)Moises at sa (W)mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.
28 At sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo.
29 At siya'y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka't gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
30 At nangyari, nang siya'y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay (X)kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito'y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.
31 At (Y)nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya'y nakilala nila; at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.
32 At sila-sila'y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?
33 At sila'y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, (Z)at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at (AA)ang kanilang mga kasama.
34 Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at (AB)napakita kay Simon,
35 At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at (AC)kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.
36 At (AD)samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.
37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang (AE)espiritu.
38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?
39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: (AF)hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.
40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.
41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, (AG)Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?
42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.
43 At kaniyang inabot yaon, (AH)at kumain sa harap nila.
44 At sinabi niya sa kanila, (AI)Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa (AJ)kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa (AK)mga awit.
45 Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;
46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na (AL)kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;
47 At ipangaral sa kaniyang pangalan (AM)ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan (AN)sa lahat ng mga bansa, (AO)magbuhat sa Jerusalem.
48 (AP)Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.
49 At narito, (AQ)ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, (AR)hanggang sa kayo'y masangkapan ng (AS)kapangyarihang galing sa itaas.
50 At kaniyang dinala sila sa labas (AT)hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila'y binasbasan.
51 At nangyari, (AU)na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.
52 At (AV)siya'y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem (AW)na may malaking galak:
53 At palaging sila'y (AX)nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978