Levitico 12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. 3 Pagdating(A) ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. 4 Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. 5 Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.
6 “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 7 Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.
8 “Kung(B) hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”
Levitico 12
Ang Biblia (1978)
Ang paglilinis ng mga babae.
12 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, (A)Kung ang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalake, ay magiging karumaldumal na pitong araw; ayon sa mga araw ng karumihan ng kaniyang sakit, ay magiging karumaldumal.
3 (B)At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat ng masama.
4 At siya'y mananatiling tatlong pu't tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo; huwag siyang hihipo ng anomang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilinis.
5 Nguni't kung manganak siya ng babae, ay magiging karumaldumal nga siya na dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan: at mananatiling anim na pu't anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo.
6 (C)At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang paglilinis, maging sa anak na lalake o sa anak na babae, ay magdadala siya ng isang kordero ng unang taon, na pinaka handog na susunugin, at isang inakay ng kalapati o isang batobato na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote;
7 At kaniyang ihahandog sa harap ng Panginoon, at itutubos sa kaniya; at siya'y malilinis sa agas ng kaniyang dugo. Ito ang kautusan tungkol sa nanganak ng lalake o ng babae.
8 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng kordero, ay kukuha nga siya ng (D)dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati; ang isa'y pinaka handog na susunugin at ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan: (E)at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
