Josue 24:14-27
Magandang Balita Biblia
14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! 17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. 18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”
19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. 20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”
21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”
22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”
Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”
23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”
24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”
25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. 26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. 27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.”
Read full chapter
Mateo 6:19-24
Magandang Balita Biblia
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag(B) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(C) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(D)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
Diyos o Kayamanan?(E)
24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
Read full chapter
Efeso 6:5-9
Magandang Balita Biblia
Katuruan para sa mga Alipin at mga Amo
5 Mga(A) alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. 6 Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.
9 Mga(B) amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.