Job 9
Magandang Balita Biblia
Ang Sagot ni Job
9 Ito naman ang tugon ni Job:
2 “Matagal(A) ko nang alam ang mga bagay na iyan,
ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
3 Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?
Sa sanlibo niyang tanong,
walang makakasagot kahit isa.
4 Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
5 Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,
sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
6 Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,
at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
7 Maaari(B) niyang pigilan ang pagsikat ng araw,
pati ang mga bituin sa kalangitan.
8 Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,
kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
9 Siya(C) ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’
sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,
walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’
13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag
sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,
sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,
hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,
kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,
puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,
hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,
ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,
wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.
Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,
tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,
ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.
Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?
25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,
kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,
at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,
na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30 Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.
Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,
kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,
upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,
at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,
sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.
Job 9
Ang Biblia, 2001
Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job
9 Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,
2 “Sa(A) katotohanan ay alam kong gayon nga:
Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
3 Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
4 Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
5 Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
6 na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
at ang mga haligi nito ay nanginginig;
7 na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
na siyang nagtatakip sa mga bituin;
8 na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
9 na(B) siyang gumawa sa Oso at Orion,
at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10 na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11 Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12 Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
13 “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
ang mga katulong ng Rahab[a] ay nakayukod sa ilalim niya.
14 Paano ko ngang masasagot siya,
at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15 Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.
16 Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin;
gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig.
17 Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo,
at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan.
18 Hindi niya ako tutulutang makahinga,
sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan.
19 Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas!
At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya?
20 Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig;
bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.
21 Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko,
kinasusuklaman ko ang buhay ko.
22 Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi,
kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti.
23 Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan,
tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan.
24 Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama,
kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito;
kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino?
25 “Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo,
sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti.
26 Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo,
parang agilang dumadagit sa biktima.
27 Kung aking sabihin, ‘Kalilimutan ko ang aking daing,
papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.’
28 Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap,
sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala.
29 Ako'y mahahatulan;
bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan?
30 Kung ako'y maligo sa niyebe,
at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya,
31 gayunma'y itutulak mo ako sa hukay,
at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan.
32 Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33 Walang hukom sa pagitan namin,
na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34 Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35 Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.
Footnotes
- Job 9:13 RAHAB: Isang uri ng dambuhala .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
