Job 4-6
Magandang Balita Biblia
Ang Unang Sagutan(A)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
7 “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
8 Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
9 Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
5 “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
2 Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
3 Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
4 Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
5 Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
6 Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
7 Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga(C) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(D) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 “Mapalad(E) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(F) niya ang kanyang nasugatan,
pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
6 Ang sagot ni Job:
2 “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
3 magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
4 Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
5 Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
6 Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
7 Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.
8 “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
9 Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20 ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23 Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?
24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.