Add parallel Print Page Options

Ang Unang Sagutan(A)

Sinabi ni Elifaz na Temaneo,

“Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
    di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
Marami na ring tao ang iyong naturuan,
    at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
    sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
    nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
    Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.

“Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
    mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
    ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
    ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
    at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.

12 “Minsan, ako ay may narinig,
    salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14     Ako'y sinakmal ng matinding takot,
    ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
    sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
    ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
    sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
    Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
    siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
    sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’

“Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
    Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
    Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
    ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
    walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
    kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
    Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
    at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
    kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
    at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
Mga(C) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
    mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
    mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
    ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
    kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(D) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
    kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14     Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
    iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.

17 “Mapalad(E) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
    ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(F) niya ang kanyang nasugatan,
    pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20     Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
    at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
    at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
    at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
    maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
    at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
    tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
    katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
    pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”