Job 3
Magandang Balita Biblia
Dumaing si Job sa Diyos
3 Pagkaraan(A) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.
2 Ito ang kanyang sinabi:
3 “Hindi(B) na sana ako ipinanganak pa
at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
4 Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
5 Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
6 Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
7 Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
8 at sumpain ng mga salamangkerong
nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[a]
9 Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.
11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14 Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16 o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.
20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(C) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23 Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”
Footnotes
- Job 3:8 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.
Job 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.
2 At si Job ay sumagot, at nagsabi,
3 Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.
4 Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.
5 Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.
6 Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.
7 Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.
8 Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.
9 Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:
10 Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.
11 Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?
13 Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako:
14 Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;
15 O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:
16 O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.
17 Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod.
18 Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.
19 Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.
20 Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;
21 Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;
22 Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?
23 Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?
24 Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.
25 Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.
26 Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
