Add parallel Print Page Options

Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
    at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
    hindi ako mas mababa sa inyo.
    Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
    ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
    isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
    nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
    at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
    na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.

“Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
    ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
    at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
    na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
    at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
    gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
    ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
    kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
    kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
    kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
    ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
    at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
    at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
    at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
    at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
    at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
    at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
    Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
    at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
    at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.

Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
    ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
    Hindi ako mababa sa inyo.
Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
    at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
    kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Nawa ay tumahimik kayong lahat,
    at magiging inyong karunungan!
Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
    at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
    at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
    Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
    O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
    kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
    at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12 Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
    ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.

13 “Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
    at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
    at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15 Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
    gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16 Ito ang aking magiging kaligtasan,
    na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17 Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18 Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
    alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin?
    Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.

20 Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin,
    kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
21 iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo;
    at huwag akong takutin ng sindak sa iyo.
22 Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot;
    o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot.
23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan?
    Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
    at itinuturing mo akong iyong kaaway?
25 Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin,
    at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin?
26 Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay,
    at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27 Iyo(A) ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan,
    at minamanmanan mo ang lahat kong daan,
    ikaw ay naglalagay ng hangganan sa aking talampakan.
28 Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw,
    na parang damit na kinakain ng bukbok.

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
    ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
    siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
    at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
    Walang sinuman.
Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
    at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
    at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;

ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
    upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.

“Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
    na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
    at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
    at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
    at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
    ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
    at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
    hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
    ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
    itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
    takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
    Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
    hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
    iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
    at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
    at iyong tatakpan ang aking kasamaan.

18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
    at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
    tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
    sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
    iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
    sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
    at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”