Add parallel Print Page Options

Karagdagang Hatol sa Babilonia

51 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia,
    at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai;[a]
Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan,
    at kanilang tatahipan siya,
at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain,
    kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig
    sa araw ng kaguluhan.
Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana,
    at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti.
Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki;
    lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo.
Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo,
    at sinugatan sa kanyang mga lansangan.
Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan
    ng kanilang Diyos, ng Panginoon ng mga hukbo,
bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay punô ng pagkakasala
    laban sa Banal ng Israel.

“Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia,
    at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay!
Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya
    sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng Panginoon;
    siya'y kanyang pagbabayarin.
Ang(A) Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng Panginoon
    na lumasing sa buong daigdig;
ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak,
    kaya't ang mga bansa ay nauulol.
Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog;
    tangisan ninyo siya!
Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit,
    baka sakaling siya'y gumaling.
Ibig(B) sana nating gumaling ang Babilonia,
    ngunit siya'y hindi napagaling.
Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo
    sa kanya-kanyang sariling lupain;
sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit,
    at naitaas hanggang sa himpapawid.
10 Inilabas ng Panginoon ang pagpapawalang-sala sa atin;
    halikayo, at ating ipahayag sa Zion
    ang gawa ng Panginoon nating Diyos.

11 “Patalasin ninyo ang mga palaso!
    Kunin ninyo ang mga kalasag!

Pinukaw ng Panginoon ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng Panginoon, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

12 Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia,
    patibayin ninyo ang bantayan,
maglagay kayo ng mga bantay,
    kayo'y maghanda ng mga panambang;
sapagkat binalak at ginawa ng Panginoon
    ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia.
13 O(C) ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig,
    sagana sa mga kayamanan,
dumating na ang iyong wakas,
    at ang sukat ng iyong kasakiman.
14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili:
Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang,
    at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo.

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

15 “Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit.
16 Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan,
    at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan,
    at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan.
17 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
    bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan,
sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan,
    at walang hininga sa mga iyon.
18 Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya;
    sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila.
19 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
    sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay,
at ang lipi ng kanyang pamana;
    ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

Ang Sandata ng Panginoon

20 “Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa,
    at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon.
22 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga.
23     Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang;
    at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno.

24 “Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng Panginoon.

25 “Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon, O mapangwasak na bundok,
    na sumisira ng buong lupa;
at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo,
    at pagugulungin kita mula sa batuhan,
    at gagawin kitang sunog na bundok.
26 Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok,
    o ng isang bato bilang pundasyon,
kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman,
    sabi ng Panginoon.

27 “Magtaas kayo ng watawat sa lupa,
    inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa,
ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian
    ng Ararat, Minni, at Askenaz;
pumili kayo ng pinuno laban sa kanya;
    magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang.
28 Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan,
    at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan.
29 At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit,
    sapagkat ang mga layunin ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananatili,
upang wasakin ang lupain ng Babilonia,
    na walang naninirahan.
30 Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban,
    sila'y nanatili sa kanilang mga muog;
ang kanilang lakas ay naubos,
    sila'y naging parang mga babae,
ang kanyang mga tirahan ay nasusunog,
    ang kanyang mga halang ay nabali.
31 Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa,
    at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo,
upang ibalita sa hari ng Babilonia
    na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo;
32 ang mga tawiran ay naagaw,
    ang mga tambo ay nasunog ng apoy,
    at ang mga mandirigma ay natatakot.
33 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan
    sa panahon na iyon ay niyayapakan;
gayunma'y sandali na lamang
    at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating.”
34 “Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia,
    dinurog niya ako,
ginawa niya akong sisidlang walang laman,
    nilulon niya akong gaya ng halimaw;
pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain;
    ako'y kanyang iniluwa.
35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia,”
    sasabihin ng taga-Zion.
“Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea,”
    sasabihin ng Jerusalem.

Sasaklolohan ng Panginoon ang Israel

36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan.
Tutuyuin ko ang kanyang dagat
    at tutuyuin ko ang kanyang bukal.
37 Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho,
    tahanan ng mga asong mailap,
isang katatakutan at tampulan ng pagkutya,
    walang maninirahan.

38 “Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon;
    sila'y uungal na parang mga batang leon.
39 Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo,
    at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan
at matulog nang walang hanggang pagtulog,
    at hindi na magising, sabi ng Panginoon.
40 Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero,
    gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki.

Ang Sinapit ng Babilonia

41 “Ano't nasakop ang Sheshach,[b]
    at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw!
Ano't ang Babilonia ay naging
    katatakutan sa gitna ng mga bansa!
42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia;
    siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon.
43 Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan,
    isang tuyong lupain at ilang,
isang lupain na walang taong naninirahan,
    o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao.
44 At aking parurusahan si Bel sa Babilonia,
    at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon.
Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya,
    ang pader ng Babilonia ay bumagsak!

45 “Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko!
    Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay
    mula sa mabangis na galit ng Panginoon!
46 Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo
    sa balitang naririnig sa lupain,
kapag may ulat na dumating sa isang taon,
    at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon,
at ang karahasan ay nasa lupain,
    at ang pinuno ay laban sa pinuno.

47 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating
    na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia;
ang kanyang buong lupain ay mapapahiya,
    at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya.
48 Kung(D) magkagayo'y ang langit at ang lupa,
    at lahat ng naroroon
ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia;
    sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng Panginoon.
49 Ang(E) Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel,
    kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia.

Ang Mensahe ng Diyos sa mga Israelita sa Babilonia

50 “Kayong nakatakas sa tabak,
    humayo kayo, huwag kayong magsitigil!
Alalahanin ninyo ang Panginoon mula sa malayo,
    at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip:
51 ‘Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya;
    ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha,
sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok
    sa mga banal na dako ng bahay ng Panginoon.’
52 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon,
    na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan;
at sa buong lupain niya
    ay daraing ang malubhang nasugatan.
53 Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit,
    at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan,
gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin,
    sabi ng Panginoon.

54 “Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia!
    Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo!
55 Sapagkat gigibain ng Panginoon ang Babilonia
    at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig.
Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig,
    ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas;
56 sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya,
    laban sa Babilonia,
ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli,
    ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng paghihiganti,
    siya'y tiyak na maniningil.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas,
    ang kanyang mga tagapamahala, mga punong-kawal, at ang kanyang mga mandirigma;
sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising,
    sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Ang malawak na pader ng Babilonia
    ay lubos na magigiba,
at ang kanyang matataas na pintuan
    ay matutupok ng apoy.
Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias ay Ipinadala sa Babilonia

59 Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraya ay tagapamahala.

60 Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia.

61 Sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito,

62 at iyong sabihin, ‘O Panginoon, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.’

63 Pagkatapos(F) mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates,

64 at sabihin mo, ‘Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.’” Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Footnotes

  1. Jeremias 51:1 LEBKAMAI: Isang lihim na pangalan para sa Babilonia.
  2. Jeremias 51:41 SHESHACH: Isang lihim na pangalan para sa Babilonia.

51 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magbabangon laban sa Babilonia, at laban sa nagsisitahan sa Lebcamai, ng manggigibang hangin.

At ako'y magsusugo sa Babilonia ng mga taga ibang lupa na papalisin siya; at kanilang wawalaan ang kaniyang lupain: sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay magiging laban sila sa kaniya sa palibot.

Laban sa kaniya na umaakma ay iakma ng mangbubusog ang kaniyang busog, at sa kaniya na nagmamataas sa kaniyang sapyaw: at huwag ninyong patawarin ang kaniyang mga binata; inyong lipuling lubos ang buo niyang hukbo.

At sila'y mangabubuwal na patay sa lupain ng mga Caldeo, at napalagpasan sa kaniyang mga lansangan.

Sapagka't ang Israel ay hindi pinababayaan, o ang Juda man, ng kaniyang Dios, ng Panginoon ng mga hukbo; bagaman ang kanilang lupain ay puno ng sala laban sa Banal ng Israel.

Tumakas ka na mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawa't tao ang kaniyang buhay; huwag kayong mangahiwalay ng dahil sa kaniyang kasamaan: sapagka't panahon ng panghihiganti ng Panginoon; siya'y maglalapat sa kaniya ng kagantihan.

Ang Babilonia ay naging gintong tasa sa kamay ng Panginoon, na lumango sa buong lupa: ang mga bansa ay nagsiinom ng kaniyang alak; kaya't ang mga bansa ay nangaulol.

Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak: inyong tangisan siya, ikuha ninyo ng balsamo ang kaniyang sakit, baka sakaling siya'y mapagaling.

Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia, nguni't siya'y hindi napagaling: pabayaan siya, at yumaon bawa't isa sa atin sa kanikaniyang sariling lupain; sapagka't ang kaniyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at nataas hanggang sa mga alapaap.

10 Inilabas ng Panginoon ang ating katuwiran: magsiparito kayo, at ating ipahayag sa Sion, ang gawa ng Panginoon nating Dios.

11 Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga Medo; sapagka't ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, upang sirain: sapagka't siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo.

12 Mangagtaas kayo ng watawat laban sa mga kuta ng Babilonia, inyong patibayin ang bantayan, inyong lagyan ng mga bantay, kayo'y mangaghanda ng mga pangbakay: sapagka't ang Panginoon ay nagpanukala at gumawa rin naman ng kaniyang sinalita tungkol sa mga nananahan sa Babilonia.

13 Oh ikaw na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong kasakiman.

14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang sarili, na sinasabi, Tunay na pupunuin kita ng mga tao, na parang balang; at sila'y mangaglalakas ng hiyaw laban sa iyo.

15 Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay iniladlad niya ang langit.

16 Paglalakas niya ng kaniyang tinig, nagkaroon ng kagulo ng tubig sa langit, at kaniyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga wakas ng lupa: kaniyang iginawa ng mga kidlat ang ulan, at inilabas ang hangin mula sa kaniyang mga imbakan.

17 Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ginto ay nalagay sa kahihiyan dahil sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kasinungalingan, at walang hinga sa mga yaon.

18 Ang mga yaon ay walang kabuluhan, isang gawa ng karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon ay mangalilipol.

19 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang naganyo sa lahat ng bagay; at ang Israel ay lipi ng kaniyang mana: ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.

20 Ikaw ay aking pangbakang palakol at mga almas na pangdigma: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga bansa; at sa pamamagitan mo ay sisira ako ng mga kaharian;

21 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang kabayo at ang kaniyang sakay;

22 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang karo at ang nakasakay roon; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang lalake at ang babae; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang matanda at ang bata: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang binata at ang dalaga;

23 At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang pastor at ang kaniyang kawan; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mangbubukid at ang kaniyang tuwang na mga baka; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.

24 At aking ilalapat sa Babilonia at sa lahat na nananahan sa Caldea ang buo nilang kasamaan na kanilang ginawa sa Sion sa inyong paningin, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ako'y laban sa iyo, Oh mapangpahamak na bundok, sabi ng Panginoon, na gumigiba ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay sa iyo, at pagugulungin kita mula sa malaking bato, at gagawin kitang bundok na sunog.

26 At hindi ka nila kukunan ng bato na panulok, o ng bato man na mga patibayan; kundi ikaw ay magiging sira magpakailan man, sabi ng Panginoon.

27 Mangagtaas kayo ng watawat sa lupain, inyong hipan ang pakakak sa gitna ng mga bansa, magsihanda ang mga bansa laban sa kaniya, pisanin laban sa kaniya ang mga kaharian ng Ararat, ng Minmi, at ng Aschenaz: mangaghalal ng puno laban sa kaniya; pasampahin ang mga kabayo ng parang mga uod.

28 Magsihanda laban sa kaniya ang mga bansa, ang mga hari ng mga Medo, ang mga gobernador niyaon, at ang lahat na kinatawan niyaon, at ang buong lupain na kaniyang sakop.

29 At ang lupain ay manginginig at nasa paghihirap; sapagka't ang mga pasiya ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananayo, upang sirain ang lupain ng Babilonia, na nawalan ng mananahan.

30 Ang mga makapangyarihan ng Babilonia ay nagsisiurong sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga katibayan; ang kanilang kapangyarihan ay nanglulupaypay; sila'y naging parang mga babae: ang kaniyang mga tahanang dako ay sinilaban; ang kaniyang mga halang ay nabali.

31 Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari sa Babilonia, na ang kaniyang bayan ay nasakop sa lahat ng sulok:

32 At ang mga tawiran ay nangasapol, at ang mga tambo ay nangasunog ng apoy, at ang mga lalaking mangdidigma ay nangatakot.

33 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan ng panahong yaon ng niyayapakan; sangdali na lamang, at ang panahon ng pagaani ay darating sa kaniya.

34 Nilamon ako ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, kaniyang pinisa ako, kaniyang ginawa akong sisidlan na walang laman, ako'y sinakmal niyang parang buwaya, kaniyang binusog ang kaniyang tiyan ng aking mga masarap na pagkain; kaniyang itinakuwil ako.

35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.

36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.

37 At ang Babilonia ay magiging mga bunton, tahanang dako sa mga chakal, katigilan, at kasutsutan, na mawawalan ng mananahan.

38 Sila'y magsisiangal na magkakasama na parang mga batang leon; sila'y magsisiangal na parang mga anak ng leon.

39 Pagka sila'y nag-init, aking gagawin ang kanilang kapistahan, at akin silang lalanguhin, upang sila'y mangagalak, at patutulugin ng walang hanggang pagtulog, at huwag mangagising, sabi ng Panginoon.

40 Aking ibababa sila na parang mga kordero sa patayan, mga lalaking tupa na kasama ng mga kambing na lalake.

41 Ano't nasakop ang Sesach! at ang kapurihan ng buong lupa ay nagitla! ano't ang Babilonia ay naging kagibaan sa gitna ng mga bansa!

42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng karamihan ng mga alon niyaon.

43 Ang kaniyang mga bayan ay nasira, tuyong lupain at ilang, lupain na walang taong tumatahan, o dinaraanan man ng sinomang anak ng tao.

44 At ako'y maglalapat ng kahatulan kay Bel sa Babilonia, at aking ilalabas sa kaniyang bibig ang kaniyang nasakmal; at ang mga bansa ay hindi na bubugsong magkakasama pa sa kaniya: oo, ang kuta ng Babilonia ay mababagsak.

45 Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawa't isa sa mabangis na galit ng Panginoon.

46 At huwag manganglupaypay ang inyong puso, o mangatakot man kayo sa balita na maririnig sa lupain; sapagka't ang balita ay darating na isang taon, at pagkatapos niyaon ay darating sa ibang taon ang isang balita, at ang pangdadahas sa lupain, pinuno laban sa pinuno.

47 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, na ako'y maglalapat ng kahatulan sa mga larawang inanyuan sa Babilonia; at ang kaniyang buong lupain ay mapapahiya; at ang lahat ng mapapatay sa kaniya ay mangabubulagta sa gitna niya.

48 Kung magkagayo'y ang langit at ang lupa, at lahat na nandoon, magsisiawit dahil sa Babilonia sa kagalakan; sapagka't ang mga manglilipol ay darating sa kaniya mula sa hilagaan, sabi ng Panginoon.

49 Kung paanong ibinuwal ng Babilonia ang namatay sa Israel, gayon mabubuwal sa Babilonia ang namatay sa buong lupain.

50 Kayong nangakatanan sa tabak, magsiyaon kayo, huwag kayong magsitigil; inyong alalahanin ang Panginoon sa malayo, at pasukin ang inyong pagiisip ng Jerusalem.

51 Kami ay nangapahiya, sapagka't kami ay nangakarinig ng kakutyaan; kalituhan ay tumakip sa aming mga mukha: sapagka't ang mga taga ibang lupa ay pumasok sa mga santuario ng bahay ng Panginoon.

52 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y maglalapat ng kahatulan sa kaniyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay dadaing ang nasugatan.

53 Bagaman ang Babilonia ay umilanglang hanggang sa langit, at bagaman kaniyang patibayin ang kataasan ng kaniyang kalakasan, gayon ma'y darating sa kaniya ang mga manglilipol na mula sa akin, sabi ng Panginoon.

54 Ang ingay ng hiyaw na mula sa Babilonia, at ng malaking paglipol na mula sa lupain ng mga Caldeo!

55 Sapagka't ang Panginoon ay nananamsam sa Babilonia, at nanglilipol doon ang dakilang tinig; at ang mga alon ng mga yaon ay nagsisihugong na parang maraming tubig; ang hugong ng kanilang kaingay ay lumabas:

56 Sapagka't ang manglilipol ay dumating doon, sa Babilonia, at ang mga makapangyarihang lalake niyaon ay nangahuli, ang kanilang mga busog ay nagkaputolputol: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng mga kagantihan, siya'y tunay na magbabayad.

57 At aking lalanguhin ang kaniyang mga prinsipe at ang kaniyang mga pantas, ang kaniyang mga gobernador at ang kaniyang mga kinatawan, at ang kaniyang mga makapangyarihan; at siya'y matutulog ng walang hanggang pagtulog, at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang makapal na kuta ng Babilonia ay lubos na magigiba, at ang kaniyang mga mataas na pintuang-bayan ay masusunog ng apoy; at ang mga tao ay magpapagal sa walang kabuluhan, at ang mga bansa sa apoy; at sila'y mangapapagod.

59 Ang salita na iniutos ni Jeremias na propeta kay Seraias na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, ng siya'y pumaroon sa Babilonia na kasama ni Sedechias na hari sa Juda, nang ikaapat na taon ng kaniyang paghahari. Si Seraias nga ay punong bating.

60 At sinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat na kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat na salitang ito na nasusulat tungkol sa Babilonia.

61 At sinabi ni Jeremias kay Seraias, Pagdating mo sa Babilonia, iyo ngang tingnan na iyong basahin ang lahat na mga salitang ito,

62 At iyong sabihin, Oh Panginoon, ikaw ay nagsalita tungkol sa dakong ito, upang iyong ihiwalay, upang walang tumahan doon, maging tao o hayop man, kundi masisira magpakailan man.

63 At mangyayari, pagkatapos mong bumasa ng aklat na ito, na iyong tatalian ng bato, at ihahagis mo sa gitna ng Eufrates:

64 At iyong sasabihin, Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi lilitaw uli dahil sa kasamaan na aking dadalhin sa kaniya; at sila'y mapapagod. Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Dagdag na Parusa sa Babilonia

51 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia: “Hahamunin ko ang manlilipol para salakayin ang Babilonia at ang mga mamamayan nito.[a] Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad sa ipa na tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga sundalo ng Babilonia. Hahandusay ang mga sugatan nilang bangkay sa mga daan. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel, ay hindi itinakwil ang Israel at Juda kahit na puno ng kasamaan ang lupain nila.

“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na para gantihan ko siya ayon sa nararapat sa mga ginawa niya. Para siyang tasang ginto sa kamay ko na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw. Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa nʼyo siya! Gamutin nʼyo ang mga sugat niya at baka sakaling gumaling siya.”

Sinabi ng mga Israelitang naninirahan doon, “Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na siya magamot. Hayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang mga kasalanan niya kaya parurusahan na siya ng Panginoon. 10 Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[b] at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Dios.”

11 Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa templo niya. Hinikayat ng Panginoon ang mga hari ng Media para wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Sinabi niya, “Hasain nʼyo ang mga pana ninyo at ihanda ang mga pananggalang ninyo. 12 Itaas nʼyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan nʼyo ang mga bantay; ipwesto ang mga bantay. Palibutan nʼyo ang lungsod! Panahon na para gawin ng Panginoon ang plano niya laban sa mga taga-Babilonia.”

13 O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Pero dumating na ang wakas mo, ang araw ng kapahamakan mo. 14 Sumumpa ang Panginoong Makapangyarihan sa sarili niya na sinasabi, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”

Ang Pagpupuri sa Dios

15 Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 16 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.

17 Mga hangal at mangmang ang bawat tao na sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay, 18 wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 19 Pero ang Dios ni Jacob[c] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.

Ang Martilyo ng Panginoon

20 Sinabi ng Panginoon, “Ikaw[d] ang panghampas ko, ang panghampas ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at kaharian, 21 ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito. 22 Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga. 23 Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.

24 Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka. 26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang. 28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.

29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito. 30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan. 31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na. 32 Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at natatakot ang mga sundalo.”

33 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”

34-35 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragon na lumulon sa amin. Binusog niya ang tiyan niya ng mga kayamanan namin. Iniwan niya ang lungsod namin na walang itinira, parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila.”

36 Kaya sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia. 37 Wawasakin ko ang bansang ito! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.[e] 38 Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon. 39 At dahil gutom sila, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising. 40 Dadalhin ko sila para katayin na parang mga tupa at mga kambing. 41 Papaanong bumagsak ang Babilonia?[f] Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya! 42 Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia. 43 Magiging malungkot ang mga bayan niya na parang disyerto na walang nakatira o dumadaan man lang. 44 Parurusahan ko si Bel na dios-diosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang mga nilamon niya.[g] Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.

45 “Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ko ibuhos ang galit ko. 46 Pero huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon. 47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya. 48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Babilonia

50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar. 51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’ 52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila. 53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito. 55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay. 56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya. 57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”

58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”

Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia

59 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda. 60 Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia. 61 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito. 62 Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito para walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging mapanglaw magpakailanman.’ 63 Pagkabasa mo nito, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog ng Eufrates. 64 At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”

Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.

Footnotes

  1. 51:1 mga mamamayan nito: sa Hebreo, mga mamamayan ng Leb Kamai, na isa pang pangalan ng Babilonia.
  2. 51:10 Jerusalem: sa Hebreo, Zion. Ganito rin sa talatang 24 din.
  3. 51:19 Dios ni Jacob: sa literal, bahagi ni Jacob.
  4. 51:20 Ikaw: Maaaring si Cyrus, ang ginamit ng Panginoon para magtagumpay sa Babilonia.
  5. 51:37 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
  6. 51:41 Babilonia: sa Hebreo, Sheshac.
  7. 51:44 ang mga nilamon niya: Maaaring ang ibig sabihin nito ay ang mga taong binihag ng mga taga-Babilonia at ang mga ari-arian na nasamsam nito.