Jeremias 17:5-19:13
Ang Biblia, 2001
Iba't Ibang Kasabihan
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
at ginagawang kalakasan ang laman,
at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
6 Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
sa lupang maalat at hindi tinatahanan.
7 “Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
at ang pag-asa ay ang Panginoon.
8 Sapagkat(A) siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
9 Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
at lubhang napakasama;
sinong makakaunawa nito?
10 “Akong(B) Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
at sumusubok ng puso,[a]
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”
11 Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.
12 Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
ang lugar ng aming santuwaryo.
13 O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.
Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias
14 Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
iligtas mo ako, at maliligtas ako;
sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15 Sinasabi nila sa akin,
“Nasaan ang salita ng Panginoon?
Hayaan itong dumating ngayon!”
16 Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
ay nasa iyong harapan.
17 Huwag kang maging kilabot sa akin,
ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18 Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!
Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath
19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;
20 at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.
21 Ganito(C) ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.
22 Huwag(D) din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
23 Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.
24 “‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,
25 kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.
26 At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.
27 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”
3 Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.
4 At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.
5 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
6 “O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.
7 Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,
8 at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.
9 At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,
10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.
11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’
12 “Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’
13 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14 Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
ang umaagos na malamig na tubig?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
hindi sa lansangang-bayan,
16 na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
isang bagay na hahamakin magpakailanman.
Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
at iniiling ang kanyang ulo.
17 Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
sa araw ng kanilang kapahamakan.”
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”
Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway
19 Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20 Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23 Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.
Ang Basag na Banga
19 Ganito ang sabi ng Panginoon, “Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari.
2 Lumabas(E) kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit,[b] at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo.
3 At sabihin mo, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting.
4 Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.
5 Nagtayo(F) rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip.
6 Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan.
7 At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa.
8 Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan.
9 At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.’
10 “Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo,
11 at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan.
12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet.
13 At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet—lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.’”
Footnotes
- Jeremias 17:10 Sa Hebreo ay bato .
- Jeremias 19:2 o Basag na Banga .