Isaias 46
Magandang Balita Biblia
46 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
2 Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.
3 “Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
4 Ako ang inyong Diyos.
Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
na kayo'y iligtas at tulungan.”
5 Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
Mayroon bang makakapantay sa akin?
6 Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
7 Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.
8 “Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
9 Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
siya ay darating na parang ibong mandaragit,
at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.
12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”
Isaias 46
Ang Biblia (1978)
Pinagparis ang idolo ng Babilonia at ang Panginoon ng Israel.
46 Si Bel ay nagpapatirapa, sa Nebo ay (A)yumuyukod; ang kanilang mga diosdiosan ay pasan sa ibabaw ng mga hayop, at sa ibabaw ng mga baka: ang mga bagay na inyong daladalang inilibot ay mabigat na pasan sa pagod na hayop.
2 Sila'y yumuyukod, sila'y nangagpapatirapang magkakasama; hindi nila maiwasan ang pasan, kundi sila ma'y napapasok sa pagkabihag.
3 Inyong dinggin ako, Oh sangbahayan ni Jacob, at (B)lahat na nalabi sa sangbahayan ni Israel, (C)na kinalong ko mula sa tiyan, na dala mula sa bahay-bata:
4 At hanggang sa katandaan ay (D)ako nga, at hanggang sa magka uban ay dadalhin kita; aking ginawa, at aking dadalhin; oo, aking dadalhin, at aking ililigtas.
5 Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?
6 Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot, (E)at tumitimbang ng pilak sa timbangan, sila'y nagsisiupa ng panday-ginto, at kaniyang ginagawang dios; (F)sila'y nangagpapatirapa, oo, sila'y nagsisisamba.
7 Pinapasan nila siya sa balikat, (G)dinadala nila siya, at inilalagay siya sa kaniyang dako, at siya'y nakatayo; mula sa kaniyang dako ay hindi siya makikilos: (H)oo, may dadaing sa kaniya, gayon ma'y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kaniya sa kaniyang kabagabagan.
8 Inyong alalahanin ito, at (I)mangagpakalalake kayo: isaisip ninyo uli, Oh ninyong mga mananalangsang.
9 Inyong alalahanin ang mga (J)dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, (K)at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;
10 (L)Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, (M)Ang payo ko ay mananayo, (N)at gagawin ko ang aking buong kaligayahan:
11 Na tumatawag ng ibong mangdadagit (O)mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, (P)aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.
12 Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:
13 Aking inilalapit ang (Q)aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay (R)hindi magluluwat: at aking ilalagay ang (S)kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978