Add parallel Print Page Options

Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto

30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
    palala nang palala ang kanilang kasalanan.
Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
    upang humingi ng tulong sa Faraon;
    ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
    at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
    at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
mapapahiya lamang kayong lahat,
    dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
    wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:

Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
    sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
    ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
    upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
    kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”

Tumangging Makinig ang Israel

Halika, at isulat mo sa isang aklat,
    kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
    kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
    At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
    at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
    at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:
“Tinanggihan mo ang aking salita,
    at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,
    tulad ng pagguho ng isang marupok na pader
    na bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayok
    na ibinagsak nang walang awa;
wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,
    o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”

Magtiwala kay Yahweh

15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;
    kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”
Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,
sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,
    ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,
    sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;
matutulad kayo sa tagdan ng bandila
    na doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;
sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;
    mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. 20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. 21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” 22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”

23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.

24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. 25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. 26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.

Paparusahan ng Diyos ang Asiria

27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,
    nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;
ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,
    at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hangin
    na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.
Wawasakin nito ang mga bansa
    at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.

29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. 30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. 31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. 32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.

Ang kawalang kabuluhan ng pagtitiwala sa Egipto.

30 Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, (A)na nagsisisangguni, nguni't hindi sa akin; (B)at nangagaalay ng alay, nguni't hindi sa aking Espiritu, (C)upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan;

Ang nagsisilakad (D)na nagsisilusong sa Egipto, at (E)hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!

Kaya't ang lakas ni Faraon (F)ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.

Sapagka't ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.

(G)Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.

(H)Ang hula tungkol sa (I)mga hayop ng Timugan.

Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, (J)ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.

Sapagka't ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya't aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.

Ngayo'y yumaon ka, (K)isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.

Sapagka't (L)mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:

10 Na nagsasabi sa mga (M)tagakita, (N)Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, (O)magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:

11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.

12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:

13 Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y (P)gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.

14 At yao'y (Q)kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.

15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, (R)Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; (S)sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. (T)At hindi ninyo inibig.

16 Kundi inyong sinabi, Hindi, (U)sapagka't kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo'y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya't silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.

17 Isang libo (V)ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo'y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at (W)gaya ng isang watawat sa isang burol.

Sa matiyagang paghihintay sa biyaya ng Panginoon lamang matatamo ang kasaganaan.

18 (X)At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't (Y)mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; (Z)mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.

19 Sapagka't ang bayan ay (AA)tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.

20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng (AB)tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang (AC)iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:

21 At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.

22 At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: (AD)iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.

23 At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

24 Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.

25 At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig (AE)sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.

26 Bukod dito'y (AF)ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.

27 Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:

28 At ang (AG)kaniyang hinga ay gaya ng (AH)umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw (AI)ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.

29 Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na (AJ)may plauta upang masok (AK)sa bundok ng Panginoon, (AL)sa malaking Bato ng Israel.

30 At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,

31 Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang (AM)taga Asiria, na nananakit ng pamalo.

32 At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may (AN)pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,

33 Sapagka't ang (AO)Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.