Isaias 15
Magandang Balita Biblia
Wawasakin ng Diyos ang Moab
15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:
Noong gabing gibain ang Ar,
    gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
    bumagsak na ang Moab.
2 Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
    upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
    at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
3 Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
    nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
    at sa mga liwasang-bayan.
4 Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
    dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
    silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
5 Nahahabag ako sa Moab,
    nagsisitakas ang kanyang mamamayan
    patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
    dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
    walang natirang sariwang halaman.
7 Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
    ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
8 Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
    dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
9 Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
    ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.
Footnotes
- Isaias 15:2 mga taga-Dibon: Sa ibang manuskrito'y mga tao at ang Dibon .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
