Genesis 30
Magandang Balita Biblia
30 Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.”
2 Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?”
3 Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.”
4 At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. 5 Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. 6 “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan[a] ang ipinangalan niya rito. 7 Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. 8 Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali[b] ang bata.
9 Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, 10 at nagkaanak ito ng lalaki. 11 “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad[c] ang ipapangalan ko sa kanya.” 12 Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. 13 Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher[d] ang bata.
14 Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea.
15 Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?”
Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.”
16 Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, 17 at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. 18 Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar[e] ang kanyang anak. 19 Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. 20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.[f] 21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. 23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” 24 At tinawag niyang Jose[g] ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25 Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi. 26 Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”
27 Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo. 28 Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.”
29 Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa. 30 Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.”
31 “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban.
Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon. 32 Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin. 33 Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.”
34 “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban. 35 Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki. 36 Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan.
37 Pumutol naman si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendra at platano, at binalatan niya ang ibang parte upang magmukhang may batik. 38 Inilagay niya ito sa painuman upang makita ng mga hayop tuwing iinom. Sa ganoong pagkakataon nag-aasawahan ang mga hayop. 39 Napaglihian ang mga batik-batik na sanga, kaya naging batik-batik ang kanilang bisiro.
40 Ibinukod niya ang mga hayop na tagpian at itim sa kawan ni Laban upang ang mga ito ang laging natatanaw ng mga tupang puti. Sa gayon, parami nang parami ang sarili niyang kawan at ito'y hindi niya inihahalo sa kawan ni Laban.
41 Ang batik-batik na sanga ng kahoy ay inilalagay lamang ni Jacob sa painuman kung malulusog na hayop ang nag-aasawahan. 42 Ngunit hindi niya ito ginagawa kung ang mga hayop na nag-aasawahan ay hindi malulusog. Kaya't malulusog ang kanyang mga hayop samantalang ang kay Laban ay hindi. 43 Kaya't lalong yumaman si Jacob; lumaki ang kanyang kawan at dumami ang kanyang alipin, at mga kamelyo at asno.
Footnotes
- Genesis 30:6 DAN: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Dan” at “Panig sa akin ang hatol” ay magkasintunog.
- Genesis 30:8 NEFTALI: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Neftali” at “labanan” ay magkasintunog.
- Genesis 30:11 GAD: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Gad” at “mapalad” ay magkasintunog.
- Genesis 30:13 ASHER: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Asher” at “Masaya” ay magkasintunog.
- Genesis 30:18 ISACAR: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Isacar”, “ipinagkaloob ko ang aking alipin”, at “Ginantimpalaan” ay magkakasintunog.
- Genesis 30:20 ZEBULUN: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Zebulun”, “kaloob”, at “pahahalagahan” ay magkakasintunog.
- Genesis 30:24 JOSE: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Jose” at “Sana'y bigyan pa ng isa” ay magkasintunog.
Genesis 30
Ang Biblia, 2001
Ang Kanyang mga Anak
30 Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!”
2 Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, “Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?”
3 Sinabi niya, “Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin[a] at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.”
4 Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob.
5 Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki.
6 Sinabi ni Raquel, “Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak.” Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan.[b]
7 Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.
8 Sinabi ni Raquel, “Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay.” Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali.[c]
9 Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa.
10 Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob.
11 Sinabi ni Lea, “Mabuting kapalaran!” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad.[d]
12 Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.
13 At sinabi ni Lea, “Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser.[e]
14 Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, “Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak.”
15 At kanyang sinabi, “Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak.”
16 Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, “Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak.” At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon.
17 Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak.
18 Sinabi ni Lea, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar.[f]
19 Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak.
20 At sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon.[g]
21 Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina.
22 Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata.
23 Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, “Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya.”
24 At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose,[h] na sinasabi, “Nawa'y dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.”
Nakiusap si Jacob kay Laban
25 Nang maipanganak na ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Hayaan mo na akong umalis upang ako'y makapunta sa aking sariling lugar at sa aking lupain.
26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, at hayaan mo akong umalis sapagkat nalalaman mo ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo.”
27 Subalit sinabi sa kanya ni Laban, “Kung ipahihintulot mong sabihin ko, aking natutunan sa pamamagitan ng panghuhula na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.”
28 At kanyang sinabi, “Sabihin mo sa akin ang iyong upa, at ibibigay ko sa iyo.”
29 Sinabi ni Jacob[i] sa kanya, “Nalalaman mo kung paano akong naglingkod sa iyo, at kung anong naging kalagayan ng iyong mga hayop nang dahil sa akin.
30 Sapagkat kakaunti ang ari-arian mo bago ako dumating, at ito ay dumami nang sagana. Pinagpala ka ng Panginoon saan man ako bumaling; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng para sa aking sariling bahay?”
31 Sinabi sa kanya, “Anong ibibigay ko sa iyo?” At sinabi ni Jacob, “Huwag mo akong bigyan ng anuman. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, muli kong pakakainin at aalagaan ang iyong kawan.
32 Dadaan ako sa lahat mong kawan ngayon, at aking aalisin doon ang lahat ng tupa na batik-batik at may dungis, at ang bawat maitim na tupa, at ang may dungis at batik-batik sa mga kambing, at sila ang aking magiging upa.
33 Kaya't ang aking katapatan ay sasagot para sa akin sa huli, kapag ikaw ay dumating upang tingnan ang upa mo sa akin. Ang lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa na matatagpuan mo sa akin, ay ituturing mong nakaw.”
34 At sinabi ni Laban, “Mabuti! Mangyari sana ayon sa iyong sinabi.”
35 Subalit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na may batik at dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng tupa na maitim, at pinaalagaan sa kanyang mga anak.
36 Siya'y nagtakda ng agwat na tatlong araw na lakarin sa pagitan niya at ni Jacob, habang pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
37 Pagkatapos ay kumuha si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendro, at kastano, at binalatan ng mga batik na mapuputi, at kanyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.
38 Inilagay niya ang mga sangang kanyang binalatan sa harapan ng kawan, sa mga painuman, na pinupuntahan ng mga kawan upang uminom. At yamang sila'y nagtatalik kapag pumupunta upang uminom,
39 ang mga kawan ay nagsisiping sa harap ng mga sanga kaya't ang kawan ay nagkaanak ng mga may guhit, may batik at may dungis.
40 Ibinukod ni Jacob ang mga tupa at inihaharap ang kawan sa mga may batik, at lahat ng maitim sa kawan ni Laban; kanyang ibinukod ang kanya at hindi isinama sa kawan ni Laban.
41 Sa tuwing magtatalik ang mga mas malalakas sa kawan, inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harapan ng mga kawan, sa mga painuman, upang sila'y magsiping sa gitna ng mga sanga.
42 Subalit kapag ang kawan ay mahina, hindi niya inilalagay ang mga ito, kaya't ang mahihina ay nagiging kay Laban at ang malalakas ay kay Jacob.
43 Kaya't si Jacob[j] ay naging napakayaman at nagkaroon ng malalaking kawan, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at mga asno.
Footnotes
- Genesis 30:3 Sa Hebreo ay manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod .
- Genesis 30:6 Ibig sabihin ay hinatulan .
- Genesis 30:8 Ibig sabihin ay nakipagbuno .
- Genesis 30:11 Ibig sabihin ay kapalaran .
- Genesis 30:13 Ibig sabihin ay masaya .
- Genesis 30:18 Ibig sabihin ay upa .
- Genesis 30:20 Ibig sabihin ay pararangalan .
- Genesis 30:24 Ibig sabihin ay nagdaragdag .
- Genesis 30:29 Sa Hebreo ay niya .
- Genesis 30:43 Sa Hebreo ay ang lalaki .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
