Genesis 1:1-10
Magandang Balita Biblia
Ang Kasaysayan ng Paglikha
1 Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;[a] 2 ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos[b] sa ibabaw ng tubig. 3 Sinabi(A) ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. 4 Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. 5 Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.
6 Sinabi(B) ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” 7 At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba. 8 Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.
9 Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito. 10 Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan.
Read full chapterFootnotes
- Genesis 1:1 Nang…lupa: o kaya'y Nang simulang likhain ng Diyos ang langit at ang lupa .
- Genesis 1:2 kumikilos ang Espiritu ng Diyos: o kaya'y umiihip ang malakas na hangin mula sa Diyos .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
