Exodo 39
Ang Biblia, 2001
39 Sa telang asul, kulay-ube, at pula ay gumawa sila ng mga kasuotang mahusay ang pagkayari para sa pangangasiwa sa dakong banal; kanilang ginawa ang mga banal na kasuotan para kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Paggawa ng Efod, Pektoral, at ng Balabal(A)
2 Kanyang ginawa ang efod na ginto, na telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
3 At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa telang asul, sa kulay-ube, sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.
4 Kanilang iginawa ang efod ng mga pambalikat, na magkakabit sa dalawang dulo.
5 Ang pamigkis na mainam ang pagkayari na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng efod—ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
6 Kanilang ginawa ang mga batong onix na pinalibutan ng ginto, na ayos ukit ng isang pantatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.
7 Kanyang inilagay sa ibabaw ng pambalikat ng efod upang maging mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8 Kanyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng efod—ginto, at telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
9 Parisukat iyon; ang pektoral ay doble, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon, kapag nakatiklop.
10 Kanilang nilagyan ito ng apat na hanay na mga bato: isang hanay sa sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.
11 Ang ikalawang hanay ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.
12 Ang ikatlong hanay ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.
13 Ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe, na natatakpan ng mga enggasteng ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.
14 Mayroong labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; ang mga iyon ay gaya ng mga singsing-pantatak, bawat isa'y may nakaukit na pangalan na ukol sa labindalawang lipi.
15 At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas, na yari sa lantay na ginto.
16 Sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.
17 Kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang lantay na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.
18 Ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at ikinabit sa mga pambalikat ng efod sa dakong harapan niyon.
19 Sila'y gumawa pa ng dalawang singsing na ginto at inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyon, na nasa dakong loob ng efod.
20 Sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto at ikinabit sa dakong ibaba ng dalawang pambalikat ng efod, sa may harapan na malapit sa pagkakadugtong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod.
21 Kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng efod ng isang panaling kulay asul upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod; upang ang pektoral ay hindi matanggal mula sa efod gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22 Kanyang ginawa ang balabal ng efod na hinabing lahat sa kulay asul;
23 at ang butas ng balabal ay gaya ng sa kasuotan, na may tahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit.
24 Kanilang ginawan ang mga palda ng balabal ng mga granadang telang asul, kulay-ube, pula, at pinong lino.
25 Sila'y gumawa rin ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada;
26 isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot para sa paglilingkod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
27 Ginawa rin nila ang mga tunika na hinabi mula sa pinong lino, para kay Aaron at sa kanyang mga anak,
28 at ang turbanteng yari sa pinong lino, at ang mga gora na yari sa pinong lino, at ang mga salawal na lino na yari sa hinabing pinong lino,
29 at ang bigkis na yari sa hinabing pinong lino, telang asul at kulay-ube, at pula na gawa ng mambuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 Kanilang ginawa ang plata ng banal na korona na lantay na ginto, at nilagyan ito ng sulat na tulad ng ukit ng isang singsing na pantatak: “Banal sa Panginoon.”
31 Kanilang tinalian ito ng isang panaling asul, upang ilapat sa ibabaw ng turbante; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Sinuri ni Moises ang Pagkagawa(B)
32 Gayon natapos ang lahat ng paggawa sa tabernakulo ng toldang tipanan; at ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises; gayon ang ginawa nila.
33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang tolda, at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan;
34 ang takip na mga balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ang takip na balat ng mga kambing, at ang lambong na pantabing;
35 ang kaban ng patotoo at ang mga pasanan niyon, at ang luklukan ng awa;
36 ang hapag pati ang lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang tinapay na handog;
37 ang ilawan na dalisay na ginto, ang mga ilaw niyon, at ang mga lalagyan ng ilaw, at lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang langis na para sa ilaw;
38 ang dambanang ginto, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan ng tolda;
39 ang dambanang tanso, ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;
40 ang mga tabing ng bulwagan, ang mga haligi niyon, at ang mga patungan at ang tabing na para sa pintuan ng bulwagan, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa toldang tipanan;
41 ang mga kasuotang mainam ang pagkagawa para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, upang maglingkod bilang mga pari.
42 Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.
43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain at kanilang ginawa iyon; kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa. At binasbasan sila ni Moises.
Exodus 39
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Damit ng mga Pari(A)
39 Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron.
Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(B)
2 Nagtahi rin sila ng espesyal na damit[a] ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay pinong linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 3 Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpitpit sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong telang linen, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. 4 May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. 5 Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
6 Ikinabit nila ang mga batong onix sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob[b] gaya ng pagkakaukit sa pantatak. 7 Ikinabit nila ito sa mga tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Bulsa na Nasa Dibdib(C)
8 Gumawa rin sila ng bulsa na nasa dibdib at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng espesyal na damit: pinong telang linen na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula. 9 Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10 Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril; 11 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 12 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista; 13 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto. 14 Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
15 Nilagyan nila ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 16 Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa sa dibdib. 17 Isinuot nila ang dalawang mala-kwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa bulsa na nasa dibdib, 18 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit.
19 Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 20 Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 21 Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at ang mga parang singsing sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at sa espesyal na damit, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Iba pang Damit ng mga Pari(D)
22 Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul. 23 Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit. 24 Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25-26 Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
27 Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit. 28 Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29 Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak. 31 Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain(E)
32 Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33 Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon, 34 ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina; 35 ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat; 36 ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 37 ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda; 39 ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41 at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.
42 Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 43 Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®