Exodo 18
Ang Biblia (1978)
18 (A)Si Jethro nga, saserdote sa Madian, biyanan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Dios kay Moises, at sa Israel na kaniyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Egipto.
2 At ipinagsama ni Jethro, na biyanan ni Moises, si Sephora na asawa ni Moises, (B)pagkatapos na kaniyang maipadala sa kanilang ama,
3 At ang dalawa niyang anak na lalake: (C)na ang pangalan ng isa'y Gersom; sapagka't sinabi ni Moises, Ako'y nakipamayan sa ibang bayan.
4 At ang pangalan ng isa'y Elieser;[a] sapagka't kaniyang sinabi, Ang Dios ng aking ama'y naging aking saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ni Faraon;
5 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay dumating, na kasama ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa, kay Moises sa ilang na kaniyang hinantungan sa (D)tabi ng bundok ng Dios:
6 At kaniyang ipinasabi kay Moises, Akong iyong biyanang si Jethro ay naparito sa iyo, at ang iyong asawa, at ang kaniyang dalawang anak na kasama niya.
7 At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran (E)at hinalikan. At sila'y nagtanungang isa't isa ng kanilang kalagayan; at sila'y pumasok sa tolda.
8 At isinaysay ni Moises sa kaniyang biyanan ang lahat ng ginawa ng Panginoon kay Faraon at sa mga Egipcio dahil sa Israel, ang buong hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas ng Panginoon sila.
9 At ikinagalak ni Jethro ang buong kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Egipcio.
10 At sinabi ni Jethro, (F)Purihin ang Panginoon, na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Egipcio, at sa kamay ni Faraon; na siyang nagligtas sa bayan sa kamay ng mga Egipcio.
11 Ngayo'y aking natatalastas na ang Panginoon ay lalong dakila kay sa lahat ng mga dios: (G)oo, sa bagay na (H)ipinagpalalo ng mga Egipcio laban sa mga Hebreo.
12 At si Jethro, na biyanan ni Moises, ay kumuha ng handog na susunugin at mga hain para sa Dios: at si Aaron ay naparoon, at ang lahat ng mga matanda sa Israel, upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyanan ni Moises (I)sa harap ng Dios.
Pinaalalahanan ni Jethro si Moises na maglagay ng mga hukom na katulong niya.
13 At nangyari kinabukasan, na lumuklok si Moises upang hatulan ang bayan: at ang bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa hapon.
14 At nang makita ng biyanan ni Moises ang lahat ng kaniyang ginagawa sa bayan, ay nagsabi, Anong bagay itong ginagawa mo sa bayan? bakit nauupo kang magisa, at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula sa umaga hanggang sa hapon?
15 At sinabi ni Moises sa kaniyang biyanan, Sapagka't (J)ang bayan ay lumalapit sa akin, upang sumangguni sa Dios.
16 Pagka sila'y may (K)usap ay lumapit sa akin; at aking hinahatulang isa't isa, (L)at aking ipinakikilala sa kanila ang mga palatuntunan ng Dios, at ang kaniyang mga kautusan.
17 At sinabi ng biyanan ni Moises sa kaniya, Ang bagay na iyong ginagawa ay hindi mabuti.
18 Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito, na nasa iyo: sapagka't ang bagay ay totoong mabigat sa iyo; (M)hindi mo makakayang magisa.
19 Dinggin mo ngayon ang aking tinig; papayuhan kita, at sumaiyo nawa ang Dios: (N)ikaw ang maging tagapagakay sa bayan sa harap ng Dios, (O)at dalhin mo ang mga usap sa Dios:
20 At ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan, at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang (P)daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.
21 Bukod dito'y hahanap ka sa buong bayan ng (Q)mga taong bihasa, gaya ng matatakutin sa Dios, (R)na mga taong mapagpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang mga ilagay mo sa kanila, na magpuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, magpuno sa mga lilimangpuin, at magpuno sa mga sasangpuin:
22 At pahatulan mo sa kanila ang bayan sa buong panahon: (S)at mangyayari, na bawa't malaking usap ay dadalhin nila sa iyo, datapuwa't bawa't munting usap, ay silasila ang maghahatulan: sa ganyan ay magiging magaan sa iyo, (T)at magpapasan silang katulong mo.
23 Kung gagawin mo ang bagay na ito, at iuutos sa iyong ganyan ng Dios ay iyo ngang mababata, at ang buong bayan namang ito ay uuwing (U)payapa.
24 Sa gayon, ay dininig ni Moises ang kaniyang biyanan, at ginawang lahat yaong sinabi.
25 At (V)pumili si Moises ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pangulo sa bayan, na mga puno ng lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng lilimangpuin, at mga puno ng sasangpuin.
26 At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na usap ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwa't bawa't munting usap ay silasila ang naghahatulan.
27 At tinulutan ni Moises ang kaniyang biyanan na magpaalam at (W)siya'y umuwi sa sariling lupain.
Footnotes
- Exodo 18:4 Dios ay saklolo.
Exodus 18
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Binisita ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.
2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[a] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” 4 Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[b] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[c] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5 Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. 6 Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7 Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. 8 Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.
Pumili si Moises ng mga Hukom(A)
13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”
15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”
24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®