Exodo 15
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Awit ni Moises
15 Ito(A) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:
“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
2 Si(B) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
3 Siya'y isang mandirigma;
Yahweh ang kanyang pangalan.
4 “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
sa Dagat na Pula[a] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
5 Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
6 Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
dinudurog nito ang mga kaaway.
7 Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
8 Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
9 Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
kayamanan nila'y aking sasamsamin,
at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.
11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”
Ang Awit ni Miriam
19 Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa.
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:
“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”
Ang Batis ng Mapait na Tubig
22 Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula[b] patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. 23 Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait.[c] 24 Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” 25 Dahil(C) dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon.
Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. 26 Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”
27 Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon.
Exodo 15
Ang Biblia (1978)
Ang awit ni Moises at ni Miriam.
15 Nang magkagayo'y inawit ni (A)Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi,
Ako'y aawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati:
Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.
2 Ang Panginoon ay aking lakas at (B)awit,
At siya'y naging aking kaligtasan:
Ito'y aking Dios, at siya'y aking pupurihin.
Dios ng aking ama, at siya'y aking (C)tatanghalin.
3 Ang Panginoo'y isang (D)mangdidigma:
Panginoon ang kaniyang pangalan.
4 Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat;
At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.
5 Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila:
Sila'y lumubog sa mga kalaliman, na (E)parang isang bato.
6 (F)Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan.
Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.
7 At sa kalakhan ng iyong (G)karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo:
Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang (H)dayami.
8 (I)At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang (J)tubig,
Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton;
Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
9 Sinabi ng kaaway,
Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam,
Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila;
Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.
10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat.
Sila'y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.
11 (K)Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios?
Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan,
Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay,
Nilamon sila ng lupa.
13 (L)Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong (M)tinubos:
Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila (N)sa banal mong tahanan.
14 (O)Narinig ng mga bayan; at sila'y nanginig:
Mga sakit ang (P)kumapit sa mga taga Filistia.
15 (Q)Nang magkagayo'y natulig (R)ang mga pangulo sa Edom;
(S)Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila:
Lahat ng taga Canaan ay nauubos.
16 Sindak at gulat ang (T)sumasakanila;
Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na (U)parang bato;
Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon,
Hanggang sa makaraan ang bayang ito (V)na iyong kinamtan.
17 Sila'y iyong papapasukin, at (W)sila'y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana,
Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan,
(X)Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 (Y)Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.
19 Sapagka't ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa't lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20 At si Miriam na (Z)propetisa na (AA)kapatid ni Aaron, ay (AB)tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at (AC)sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.
21 At (AD)sila'y sinagot ni Miriam,
(AE)Umawit kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati;
Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.
22 At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila'y lumabas sa ilang ng (AF)Shur; at sila'y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig.
Ang Israel sa Mara.
23 At nang sila'y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka't mapait: kaya't ang pangalang itinawag ay Mara.[a]
24 At (AG)inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin?
25 At siya'y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at (AH)inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin (AI)at doon sila sinubok niya;
26 At sinabi, (AJ)Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay (AK)wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka't ako ang Panginoon na (AL)nagpapagaling sa iyo.
27 At sila'y dumating sa (AM)Elim, na doo'y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila'y humantong doon sa tabi ng mga tubig.
Footnotes
- Exodo 15:23 Kapaitan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978