Add parallel Print Page Options

Pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay pumunta kay Faraon at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Hayaan mong umalis ang aking bayan upang magdiwang sila ng kapistahan sa ilang para sa akin.’”

Ngunit sinabi ni Faraon, “Sino ang Panginoon na aking papakinggan ang kanyang tinig, upang pahintulutan kong umalis ang Israel? Hindi ko kilala ang Panginoon at saka hindi ko papahintulutang umalis ang Israel.”

Kanilang sinabi, “Ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin. Ipinapakiusap namin sa iyo, pahintulutan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang at mag-alay sa Panginoon naming Diyos, kung hindi ay darating siya sa amin na may salot o tabak.”

Ngunit sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, “Moises at Aaron, bakit ninyo inilalayo ang bayan sa kanilang mga gawain? Pumaroon kayo sa inyong mga gawain.”

Sinabi ni Faraon, “Ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapapagpahinga sila sa kanilang mga gawain!”

Dinagdagan ni Faraon ang Pahirap sa mga Tao

Nang araw ding iyon ay iniutos ng Faraon sa mga tagapangasiwa sa mga tao at sa kanilang mga kapatas,

“Huwag na ninyong bibigyan ang mga tao ng dayami sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati. Sila ang pumaroon at magtipon ng dayami para sa kanilang sarili.

Ngunit ang bilang ng mga tisa na kanilang dating ginagawa ay siya rin ninyong iaatang sa kanila. Wala kayong babawasin sapagkat sila'y mga tamad. Kaya't sila'y dumadaing na nagsasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa aming Diyos.’

Lalo ninyong pabigatin ang gawain ng mga lalaki upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pansinin ang mga kabulaanang salita.”

10 Kaya't ang mga tagapangasiwa at kapatas ng mga tao ay lumabas at kanilang sinabi sa bayan, “Ganito ang sabi ni Faraon, ‘Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.

11 Humayo kayo mismo, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakita ngunit walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.’”

12 Kaya't ang bayan ay naghiwa-hiwalay sa buong lupain ng Ehipto upang maghanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.

13 Pinagmamadali sila ng mga tagapangasiwa na sinasabi, “Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw na gaya nang mayroon kayong dayami.”

14 Hinampas sila ng mga kapatas sa mga anak ni Israel na itinalaga sa kanila ng mga tagapangasiwa ni Faraon at sila'y tinanong, “Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati?”

15 Nang magkagayo'y ang mga kapatas sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, “Bakit mo ginaganito ang iyong mga alipin?

16 Walang dayaming ibinibigay sa iyong mga alipin at kanilang sinasabi sa amin, ‘Gumawa kayo ng tisa!’ Ang iyong mga alipin ay hinahampas ngunit nasa iyong sariling bayan ang kasalanan.”

17 Subalit kanyang sinabi, “Kayo'y mga tamad, kayo'y mga tamad! Kaya't inyong sinasabi, ‘Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa Panginoon:’

18 Kayo nga'y umalis ngayon at magtrabaho sapagkat walang dayaming ibibigay sa inyo, gayunma'y gagawin ninyo ang gayunding bilang ng mga tisa.”

Nawawalan ng Loob ang mga Tao

19 Nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel na napasama ang kanilang kalagayan nang sabihin sa kanila, “Walang mababawas na anuman sa inyong mga tisa sa araw-araw.”

20 Pagkagaling nila kay Faraon, pumunta sila kina Moises at Aaron na naghihintay na makatagpo sila.

21 Sinabi nila sa kanila, “Kayo nawa'y tingnan ng Panginoon at hatulan! Ang aming katayuan ay ginawa ninyong nakakamuhi sa mga mata ni Faraon at sa kanyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.”

22 Si Moises ay bumalik sa Panginoon at nagsabi, “ Panginoon, bakit mo ginawan ng masama ang bayang ito? Bakit mo pa ako isinugo?

23 Mula nang ako'y pumaroon kay Faraon upang magsalita sa iyong pangalan ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito at hindi mo man lamang iniligtas ang iyong bayan.”

Inulit ng Diyos ang Kanyang Pangako

Subalit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain.”

Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako ang Panginoon.

Ako'y nagpakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan sa lahat;[a] ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pamamagitan ng aking pangalang ‘Ang Panginoon’.[b]

Akin ding itinatag ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila'y nakipanirahan.

Bukod dito'y aking narinig ang daing ng mga anak ni Israel na inaalipin ng mga Ehipcio at aking naalala ang aking tipan.

Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ang Panginoon at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga pasanin ng mga Ehipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay at may mga dakilang kahatulan.

Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y Panginoon ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio.

Dadalhin ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob; at aking ibibigay ito sa inyo bilang pamana. Ako ang Panginoon.’”

Gayon ang sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel; subalit hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panlulupaypay at sa malupit na pagkaalipin.

10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

11 “Pumasok ka, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.”

12 Ngunit si Moises ay nagsalita sa Panginoon, “Ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang makikinig si Faraon sa akin, ako na isang di-mahusay na tagapagsalita?”[c]

13 Subalit ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila tungkol sa mga anak ni Israel, at kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.

14 Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel: si Hanoc, si Fallu, si Hesron, at si Carmi. Ito ang mga angkan ni Ruben.

15 Ang mga anak ni Simeon: si Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jakin, si Zohar, at si Shaul na anak sa isang babaing taga-Canaan; ito ang mga angkan ni Simeon.

16 Ito(B) ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang salinlahi: si Gershon, si Kohat, at si Merari, at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.

17 Ang mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei, ayon sa kani-kanilang angkan.

18 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, ang mga naging taon ng buhay ni Kohat ay isang daan at tatlumpu't tatlong taon.

19 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ito ang mga sambahayan ng mga Levita ayon sa kanilang salinlahi.

20 Naging asawa ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kanyang ama, at ipinanganak nito sa kanya si Aaron at si Moises, at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.

21 Ang mga anak ni Izar: si Kora, si Nefeg, at si Zicri.

22 Ang mga anak ni Uziel: sina Misael, Elzafan, at Sitri.

23 Naging asawa ni Aaron si Eliseba, na anak ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon; at ipinanganak nito sa kanya sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.

24 Ang mga anak ni Kora: sina Asir, Elkana, at Abiasaf; ito ang mga angkan ng mga Korahita.

25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa sa isa sa mga anak ni Putiel; at ipinanganak nito si Finehas. Ito ang mga ulo sa mga sambahayan ng mga ama ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.

26 Ang mga ito'y ang Aaron at Moises na siyang pinagbilinan ng Panginoon: “Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga hukbo.”

27 Sila ang mga nagsalita kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Ehipto, ang Moises at ang Aaron na ito.

28 At nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Ehipto,

29 nagsalita ang Panginoon kay Moises, “Ako ang Panginoon; sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng aking sinasabi sa iyo.”

30 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “Yamang ako'y di-mahusay magsalita,[d] bakit makikinig si Faraon sa akin?”

Footnotes

  1. Exodo 6:3 Sa Hebreo ay El Shaddai .
  2. Exodo 6:3 Sa Hebreo ay Yahweh .
  3. Exodo 6:12 Sa Hebreo ay may mga labing di-tuli .
  4. Exodo 6:30 Sa Hebreo ay may mga labing di-tuli .

Ang Pagkasugo nina Moises at Aaron

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tingnan mo, ginawa kita bilang Diyos kay Faraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.

Iyong sasabihin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo; at sasabihin kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang pahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.

Subalit(A) aking papatigasin ang puso ni Faraon at aking pararamihin ang aking mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto.

Ngunit si Faraon ay hindi makikinig sa inyo at aking ipapatong sa Ehipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupang Ehipto sa pamamagitan ng mga dakilang gawa ng paghatol.

Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag iniunat ko sa Ehipto ang aking kamay, at inilabas ko ang mga anak ni Israel mula sa kanila.”

Gayon ang ginawa ni Moises at ni Aaron; kung ano ang iniutos ng Panginoon sa kanila ay gayon ang ginawa nila.

Si Moises noon ay walumpung taong gulang at si Aaron ay walumpu't tatlong taong gulang nang sila'y makipag-usap kay Faraon.

Tanda ng Tungkod ni Aaron

Nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron,

“Kapag sinabi ni Faraon sa inyo, ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng kababalaghan;’ at iyo ngang sasabihin kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at ihagis mo sa harap ni Faraon, upang ito'y maging isang ahas.’”

10 Kaya't sina Moises at Aaron ay pumunta kay Faraon at kanilang ginawa ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harap ni Faraon at ng kanyang mga lingkod at ito'y naging ahas.

11 Nang magkagayo'y ipinatawag naman ni Faraon ang mga pantas at ang mga manggagaway, at ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin ayon sa kanilang mga lihim na kaalaman.

12 Inihagis ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkod at naging mga ahas. Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.

13 Ang puso ni Faraon ay nagmatigas pa rin, at hindi niya pinakinggan sila gaya ng sinabi ng Panginoon.

Pinagmatigas ni Faraon ang Kanyang Puso

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang puso ni Faraon ay nagmamatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.

15 Pumunta ka kay Faraon kinaumagahan habang siya'y patungo sa tubig. Tumayo ka sa tabi ng ilog upang harapin siya, at ang tungkod na naging ahas ay hawakan mo.

16 Sasabihin mo sa kanya, ‘Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, na sinasabi, “Payagan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin sa ilang.” Ngunit hanggang ngayon hindi mo pa tinutupad.’

17 Kaya't(B) ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito ay makikilala mo na ako ang Panginoon.” Tingnan mo, aking hahampasin ng tungkod na nasa aking kamay ang tubig na nasa ilog at ito'y magiging dugo.

18 Ang mga isda na nasa ilog ay mamamatay, ang ilog ay babaho, at ang mga Ehipcio ay mandidiring uminom ng tubig sa Nilo.’”

19 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Ehipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bambang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang maging dugo ang mga ito; at magkakaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.’”

Ang Tubig ay Naging Dugo

20 Gayon ang ginawa nina Moises at Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon. Kanyang itinaas ang tungkod at hinampas ang tubig na nasa ilog, sa paningin ni Faraon at ng kanyang mga lingkod, at ang lahat ng tubig na nasa ilog ay naging dugo.

21 Ang mga isda sa ilog ay namatay at ang ilog ay bumaho at ang mga Ehipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto.

22 Subalit ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at ayaw niyang pakinggan sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.

23 Si Faraon ay tumalikod at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang niya inilagay ito sa kanyang puso.

24 Lahat ng mga Ehipcio ay humukay sa palibot ng ilog upang makakuha ng tubig na maiinom, sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 Pitong araw ang lumipas pagkatapos na hampasin ng Panginoon ang ilog.